BACOLOD CITY – Nagdulot ng ashfall, sulfuric smell, at shockwaves ang moderately explosive eruption ng Bulkang Kanlaon nitong Huwebes ng gabi na nakaapekto sa hindi bababa sa 13 lungsod at bayan sa Negros Occidental, dahilan upang magsagawa ng agarang paglikas at suspensyon ng klase nitong Biyernes.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), tumagal ng dalawang minuto ang pagputok sa summit crater mula 7:04 p.m. hanggang 7:06 p.m., na sinundan ng mahigit isang oras na pagbuga ng abo hanggang 8:18 p.m. Umabot sa 2,500 metro ang taas ng plume mula sa crater. Nananatili sa Alert Level 2 ang Kanlaon o moderate level of unrest.
“Incandescent ballistics were observed to have rained around the crater while pyroclastic density currents descended the eastern and southeastern upper slopes within two kilometers of the summit crater,” ayon sa Phivolcs.
Iniulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council at Office of the Civil Defense–Negros Island Region ang mga insidente sa Bago, La Carlota, San Carlos, Himamaylan, Kabankalan, La Castellana, Murcia, Binalbagan, Moises Padilla, Hinigaran, Isabela, Pontevedra, at San Enrique.
Naranasan ang light to moderate ashfall sa ilang barangay ng La Carlota, Himamaylan, San Carlos, La Castellana, Hinigaran, Binalbagan, Isabela, at Pontevedra. Heavy ashfall naman ang naitala sa Sag-ang sa La Castellana at Pandan sa Pontevedra, habang very light ashfall ang umabot sa 16 barangay sa Kabankalan.
Naitala rin ang sulfuric smell sa ilang lugar sa Bago, La Carlota, San Carlos, Moises Padilla, Isabela, San Enrique, Murcia, at sa lahat ng 24 barangay ng Hinigaran. Nakaramdam ng shockwave sa ilang bahagi ng La Carlota, Himamaylan, Bago, at Binalbagan, habang mas mahinang shockwave at boom sound ang namonitor sa La Castellana at San Enrique.
Ayon sa La Carlota City Disaster Risk Reduction and Management Office, mayroong “burning vegetation and super heated rocks, not lava flows” sa kasagsagan ng pagputok.
Sa La Carlota, lumikas ang 13 pamilya o 40 indibidwal mula sa Ara-al at Yubo, kung saan 12 pamilya o 28 indibidwal ang nananatili sa dalawang evacuation centers.
Sinuspinde ang klase sa lahat ng antas sa La Castellana, Hinigaran, Isabela, Binalbagan, at Himamaylan. Sa La Carlota, kanselado ang klase sa Yubo, Ara-al, at San Miguel, habang sa Murcia ay itinigil ang klase sa Minoyan. Sa Pontevedra, sinuspinde ang klase sa Pandan Elementary School at Camingawan Elementary School sa Antipolo.
Nagpaalala ang Department of Health–Negros Island Region sa mga residente na magsuot ng eye protection tulad ng safety goggles, face mask, at long sleeves at pantalon tuwing may ashfall. Binigyang-diin ni DOH-NIR Assistant Regional Director Adrian Hort Ramos ang pangangalaga sa mga vulnerable sector tulad ng matatanda, bata, buntis, at may sakit sa paghinga. Santi Celario