MANILA, Philippines – Inihayag ni dating senador at boxing icon Manny Pacquiao nitong Biyernes na naghahanda siya ng maraming kasong isasampa laban sa naarestong vlogger na si Norman Mangusin, na kilala rin bilang Francis Leo Marcos.
Sa panayam sa radyo, inakusahan ni Pacquiao si Mangusin ng pagpapakalat ng maling impormasyon at panlilinlang sa publiko.
“May mga kaso akong isasampa sa kanya, hindi lang isa, but marami. Naka-prepare na lahat ‘yun, pati ‘yung mga ebidensya… Hindi ko pa nga na-meet itong taong ito. Gusto ko makita siya personally,” pahayag ni Pacquiao.
Ayon kay Pacquiao, madalas umanong banggitin ni Mangusin ang kanyang pangalan at gumawa ng mga kuwentong hindi totoo para sa personal na kapakinabangan.
“Mahilig siya mag-name dropping and then gumawa ng story na hindi naman totoo. Para lang sa kanyang personal gain. Mahirap ‘yun. Marami rin mga tao na naniniwala sa kanya, na napaniwala niya. Pero marami siyang tao na niloko, especially ‘yung mga OFW natin,” aniya.
Hindi pa tinukoy ni Pacquiao ang eksaktong mga kasong ihahain.
Inaresto si Mangusin noong Martes ng Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa isang hotel sa Pasay City kaugnay ng kasong unjust vexation. Inirekomenda ang piyansang P120,000.
Binanggit din ng mga awtoridad ang umano’y hindi awtorisadong paggamit niya ng uniporme ng pulisya, paggamit ng iba’t ibang pangalan, pasaporte at birth certificate, at ang presensya ng hindi awtorisadong security personnel na may kaugnayan sa kanya. RNT