Home OPINION GUTOM SA P20/K BIGAS SA OIL CRISIS

GUTOM SA P20/K BIGAS SA OIL CRISIS

117
0

HINDI biro-biro ang ibinubunga ng krisis sa langis maging sa bigas at hindi lang sa ibang mga pangunahing bilihin.

Dahil na rin sa kampanya ng gobyerno na P20 kada kilong bigas, nagsaliksik tayo sa pamamagitan ng kung nakabili na ang natanong natin ng nasabing bigas.

Akalain mo bang sa 100 katao na natanong natin sa labas ng poblacion ng dalawang bayan, wala ni isa sa kanila ang nakabili na ng P20/K na bigas.

Maganda sana umano kung may mabilhan, kaso wala silang nababalitaang gumagawi sa kanila na Kadiwa Store at wala rin sa kanilang mga munisipyo o local government unit na sinasabing partner ng pambansang pamahalaan sa pagpapalaganap ng nasabing programa.

Hindi kaya ganito kalawak ang kawalan ng programa sa buong bansa?

May problema pa kapag nakabili ka dahil sa para sa mga middle class na pamilya na may buwanang kitang P25,000 pataas, hanggang 10 kilo lang sila o para lamang sa limang araw sa matipid na 2 kilo kada araw na konsumo.

Para sa mga’ ‘vulnerable’ at mahihirap umano, nasa 30 kilo ang pwede nilang bilhin at magtatagal ito ng 15 araw.

Pero dahil bihira kung saan matatagpuan ang Kadiwa Store, kailangan pang mamasahe ang bulnerable at mahihirap upang makabili hanggang saan aabot din sa mahigit P50 ang isang kilo sa pagsama ng pamasahe sa P20/K bigas.

Ehek!

Mapipilitan at mapipilitan ang lahat na bumili ng bigas na ngayo’y nagkakahalaga ng P50-P60 kada kilo sa palengke o supermarket.

At dahil nagtaasan na lahat ng presyo ng mga ulam, hindi na mabilang sa daliri ang mga nagtitipid sa pagkain na tiyak na patungo sa malnutrition sa kakulangan ng pagkain at kakulangan na rin ng sustansya nito.

Resulta: Manghihina ang katawan ng mga obrero mula edad 15 pataas at lalong pupurol ang utak ng mga batang mag-aaral.

Saan kaya patungo ang Pinas sa ganitong kalagayan?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here