POSIBLENG sampahan ng iba’t ibang kaso ang Philippine National Police -Criminal Investigation and Detection Group dahil sa umano’y illegal raid sa isang cockfighting coliseum sa Vitas, Tondo, Manila kamakailan.
Ni-raid ng PNP-CIDG ang sabungan sa hinalang nagpatatakbo ito ng online o e-sabong na mahigpit nang ipinagbabawal ng pamahalaan.
Ngunit ayon sa pamunuan ng sabungan, walang katotohanan na may operasyon sila ng online sabong.
Ang sabungan ay sinasabing nabigyan ng prangkisa ng gobyerno noong 2022 kaya ligal ang operasyon nito.
Bukod dito, wala umanong search warrant na ipinakita ang CIDG nang isagawa ang raid.
Kaya matapos arestuhin ang nasa 28 operations staff ng coliseum at 140 pang indibidwal na karamihan
ay sabungero, pinalaya rin sila ng Manila Prosecutor’s Office “for further investigation”.
Ang kwento pa, may 17 teller ng sabungan na dinala sa Camp Crame ng CIDG ngunit matapos silang “pigain”, este, gisahin e agad ding pinakawalan.
Iba naman siyempre ang kwento ng CIDG sa isinagawa nilang raid. Talaga raw may operasyon ng e-sabong sa coliseum at mapapatunayan nila ito base sa mga nakuhang ebidensya sa arena, gaya ng mga gamit sa pagpapalabas nito sa online.
Front lamang daw ang sabungan sa Vitas, Tondo. Muli na naman daw kasing lumalawak ang operasyon ng e-sabong sa Pilipinas, katibayan ang mga naglilitawang betting applications sa online.
Pero may iba pang kwento tayong nakalap mga suki. May “mas malaki” raw talagang sadya ang CIDG sa nasabing raid.
Hanggang ngayon kasi ay bigo ang PNP na mahuli ang wanted na si Charlie “Atong” Ang kaya nagbabakasali silang naroon ang gambling tycoon at pumupusta lang pala sa paboritong manok sa sabungan. Hehehe!
Nag-aalatsamba rin daw ang PNP na sa isinagawa nitong raid e, “mapalutang” kung sino ang utak o nasa likod ng patuloy na operator ng online sabong.
Aba’y kung matumbok nga naman kung sino ang financier nito, para na rin silang tumama sa lotto linggo-linggo.
Naninindigan ang CIDG na talagang front ng online sabong ang Vitas coliseum at naniniwawalang itong may mga “kasosyo” si Atong na nasa likod nito, isa na ang isang dating kandidato ngunit natalo sa nakaraang halalan.
Kung sino siya, abangan…






