Home NATIONWIDE Halos 300 residente inilikas sa aktibidad ng Bulkang Kanlaon

Halos 300 residente inilikas sa aktibidad ng Bulkang Kanlaon

MANILA, Philippines – Daan-daang residente mula sa mga barangay malapit sa Bulkang Kanlaon sa Canlaon City, Negros Oriental ang inilikas matapos na magpakita ulit ng banta ng pagputok ang naturang bulkan dahil sa tumaas na seismic activity.

Sinabi ni Edna Lhou Masicampo, Canlaon City information officer-designate, na hanggang nitong umaga ng Miyerkules, Setyembre 11 ay nasa 92 pamilya o kabuuang 301 indibidwal ang dinala na sa evacuation centers habang ang ilan ay nananatili sa kanilang mga kaanak.

Ang mga evacuee ay mula sa Barangay Masulog, Barangay Pula, Barangay Malaiba, at Barangay Lumapao, na lahat ay matatagpuan sa 4-kilometer radius permanent danger zone ng Bulkang Kanlaon.

Nagbigay na ang local na pamahalaan ng food packs, kitchen kits, hygiene kits, sleeping kits, family kits, water at face masks mula nang simulant ang mandatory evacuation Martes ng hapon.

Samantala, ipinag-utos ni Mayor Jose Chubasco Cardenas ang suspensyon ng klase sa lahat ng antas, pampubliko at pribado sa ‘indefinite period’ dahil sa tectonic-volcanic earthquakes at sobra-sobrang sulfur dioxide emissions ng bulkan.

Sa huling ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, naitala ang 337 volcanic earthquakes sa Bulkang Kanlaon mula hatinggabi ng Setyembre 11.

Nagbuga ang bulkan ng 9,985 tons ng sulfur dioxide flux (SO2) nitong Martes, habang naitala rin ang 1,000 metrong steam plume.

Nakita rin ang ground deformation sa bulkan. RNT/JGC