Home NATIONWIDE PUP charter, babaguhin sa Senado: ‘Gagawing mas relevant, updated’

PUP charter, babaguhin sa Senado: ‘Gagawing mas relevant, updated’

MANILA, Philippines – Isinulong ni Senador Alan Peter Cayetano ang malawakang pagbabago sa charter ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) upang paigtingin ang kakayahan ng pamantasan na lumikha ng highly employable graduates.

Nitong Lunes, inihain ni Cayetano, Chair ng Senate Committee on Higher, Technical, and Vocational Education, sa plenaryo ang Senate Bill No. 2669 sa ilalim ng Committee Report No. 252 na naglalayong bigyan ng fiscal at institutional autonomy ang PUP na wala sa kasalukuyan nitong charter.

Kapag naisabatas, magkakaroon ng solong kontrol ang PUP sa lahat ng pondo nito at ng kalayaang magdagdag ng degree programs bukod sa kasalukuyang technical and applied sciences.

Sa pamamagitan nito, mas mapagaganda ng PUP ang mga pasilidad nito, mapaglilingkuran ang mas nakararaming estudyante, at makapagdaragdag ng iba pang degree program na tutugon sa pangangailangan ng labor market.

“Throughout the years y’ung suporta sa PUP, especially ng mga student leaders at haligi ng PUP, grabe. It’s time now na ang Senate ang magtanim ng isang mas relevant at updated na charter para sa kanila,” wika ni Cayetano sa kanyang talumpati.

Bilang pagbibibigay diin sa malaking potensyal ng panukala, pinuri ni Cayetano ang kakayahan ng PUP na lumikha ng highly employable graduates sa kabila ng limitadong pondo.

“Sa ilang mga survey, ang sinasabi ng ilang employers, prefer nila ang PUP graduates. This is despite the fact that if you compare their per capita spending to some of our leading universities, makikita mong they’ve done so much with so little,” wika niya.

“Dahil sa kahirapan, usually ang parents tinutulak talaga ang mga anak doon sa [kursong] mae-employ [sila]. Ang maganda sa PUP, sa dami nilang programa, kung ano po ang ambisyon o God-given talent and purpose ng bata, makakapili sila pero siguradong employable,” dagdag niya.

Pinasalamatan naman ni Cayetano ang mga kapwa senador na nag-sponsor din sa panukala, sabay himok sa lahat ng mga senador na makiisa sa tuluyang pagsasabatas nito.

“I’d like to ask you for assistance that in the next three weeks, pag hinimay natin itong bill na ‘to – and hopefully we can come up with a consensus – na mai-regalo na natin sa mga estudyante at haligi ng PUP ang kanilang revised charter,” aniya. Ernie Reyes