Home NATIONWIDE Halos 350K pakete ng iligal na yosi nakumpiska sa Surigao, Agusan Sur

Halos 350K pakete ng iligal na yosi nakumpiska sa Surigao, Agusan Sur

MANILA, Philippines – NAKUMPISKA ng mga tauhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang libo-libong pakete ng mga ipinagbabawal na produkto ng tabako sa isinagawa nilang operasyon sa mga bahay sa Surigao del Sur at Agusan del Sur kamakailan.

Nabatid sa BIR, nahuli nito ang nasa 347,869 pakete ng mga sigarilyo sa isinagawa nilang pagsalakay sa Surigao del Sur at Agusan del Sur noong Abril 24.

Anila, ang mga traders ng mga sigarilyong ito, na walang kinakailangang BIR stamps, ay nahaharap sa P219 milyon na tax liability.

“Isasama natin ang mga may-ari nitong mga warehouse at residential house sa mga kasong isasampa natin,” ayon sa BIR.

Nanawagan ang BIR sa publiko na iulat ang anumang senyales na ibinebenta ang mga ipinagbabawal na sigarilyo o vape sa kanilang lugar.

“Ang ipinagbabawal na kalakalan ay sumisira sa mga lehitimong negosyo. Sinisira nito ang kabuhayan ng milyun-milyong Pilipino. Nakakasira ito ng patas na kompetisyon,” sabi ni BIR Commissioner Romeo Lumagui. Jay Reyes