MANILA, Philippines- Inaasahang dadami ang bilang ng mga sasakyang dumaraan sa North Luzon Expressway mula sa daily average na 334,000 sa 370,000 sa nalalapit na Pasko.
Ayon sa ulat nitong Biyernes, maoobserbahan ang exodus sa mabagal na daloy ng trapiko sa dalawang lane ng expressway.
Inaasahan din ang 10% pagtaas ng car volumes sa kahabaan ng NLEX Connector at Subic-Clark-Tarlac Expressway sa mga susunod na araw.
“Binigay po namin ang time frame ng peak period. Pero ina-advise din natin sila mas maganda mag-monitor sila ng current situation ng traffic ng NLEX, SCTEX, at connector road,” pahayag ni NLEX spokesperson Robin Ignacio.
Bukod sa mabigat na daloy ng trapiko, nagbabala rin ang NLEX sa scalawags na nambabato sa mga inosenteng driver.
Nakikipag-ugnayan na umano ang NLEX sa Philippine National Police at sa local government unit ukol sa mga ganitong uri ng insidente.
“Maari silang huminto sa medyo mas maliwanag na parte at ‘yun po kailangan lang po nila ng hotline namin para tumawag po agad para mapuntahan agad ng aming personnel at ma-assist at mabigay ang pangangailangan nila,” pahayag ni Ignacio.
Samantala, inanunsyo ng San Miguel Corporation na kakalusin ang toll fees sa mga expressway nito sa mga partikular na oras para sa holidays, saklaw ang December 24 hanggang 25, 2024, at December 31, 2024 hanggang January 1, 2025.
Narito ang expressways na pinangangasiwaan ng SMC:
Skyway System
NAIA Expressway (NAIAX)
South Luzon Expressway (SLEX)
STAR Tollway
Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway. RNT/SA