Home NATIONWIDE Halos 50 patay sa hagupit ng Hurricane Melissa sa Caribbean

Halos 50 patay sa hagupit ng Hurricane Melissa sa Caribbean

318
0

CARIBBEAN – Umakyat na sa halos 50 ang nasawi matapos hagupitin ng Hurricane Melissa ang ilang isla sa Caribbean, ayon sa mga opisyal nitong Huwebes, habang papalapit na ang bagyo sa Bermuda.

Ayon sa US National Hurricane Center (NHC), bagama’t inaasahang huhupa na ang pagbaha sa Bahamas, mananatiling mataas ang tubig sa Cuba, Jamaica, Haiti, at Dominican Republic.

Tinukoy ng Imperial College London sa isang pag-aaral na apat na beses mas malakas ang bagyong ito dahil sa climate change na dulot ng tao.

Nakatala ang pinakamalakas na hangin ng bagyo sa 155 kilometro kada oras, at nagpatuloy ang tropical storm conditions sa Bermuda nitong Huwebes ng gabi habang nakataas ang hurricane warning.

Nanawagan ang pamahalaan ng Bermuda sa mga residente na maghanda at mag-ingat sa pananalasa ng bagyo.

Sa Jamaica, sinabi ni Information Minister Dana Morris Dixon na umabot na sa 19 katao ang kumpirmadong patay, kabilang ang siyam sa Westmoreland at walo sa St. Elizabeth, mga lalawigang matinding tinamaan ng bagyo.

Patuloy pa ring hirap ang komunikasyon at transportasyon sa Jamaica at Cuba, kaya inaasahang tatagal ang kabuuang pagtataya ng pinsala.

Sa Haiti, iniulat ng civil defense agency na 30 katao na ang nasawi, habang 20 ang sugatan at 20 pa ang nawawala. Mahigit 1,000 bahay ang binaha at 16,000 residente ang nasa mga evacuation center.

Sa silangang bahagi ng Cuba, patuloy na nakikipagbuno ang mga residente sa malalalim na baha at wasak na kabahayan. Sinira ng bagyo ang mga bintana, kable ng kuryente, at mga bubong, habang naputol ang linya ng komunikasyon.

Ayon sa mga awtoridad, mahigit 735,000 katao ang inilikas, karamihan sa mga lalawigan ng Santiago de Cuba, Holguin, at Guantanamo. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here