MANILA, Philippines – Ipinag-utos ng Bureau of Customs (BOC) ang 60-day suspension ng Makati Express Cargo Inc. (MECI) bilang deconsolidator o consignee dahil sa bigong pagbabayad ng outstanding taxes nito.
Sa pahayag nitong Biyernes, Oktubre 31, sinabi ng BOC na ang suspensyon ay kasunod ng bigong pagtugon ng MECI sa direktiba sa Show Cause Order na inisyu noong Oktubre 23, 2025 na nag-oobliga sa kompanya na bayaran ang mga duties at taxes nito, at tumugon sa loob ng tatlong araw.
“The BOC will continue to enforce accountability and protect the welfare of our overseas Filipino workers,” ayon kay Commissioner Ariel Nepomuceno.
“We remain committed to ensuring that all forwarding companies comply with customs laws and that our fellow Filipinos can trust that their hard-earned shipments reach their families safely and without delay,” dagdag pa niya.
Sinabi pa ng BOC na bago ang suspensyon, lumabas sa report na ang MECI ay may bulto-bultong mga container ng Balikbayan boxes na hindi nakukuha at hindi nababayaran sa ilang mga pantalan, kabilang ang Cebu, Manila International Container Port, at Davao.
Ang ilan sa mga container na ito ay napag-alaman na matagal nang nakaimbak sa lugar at ang iba ay idineklara nang abandonado.
Samantala, aalamin ng ahensya ang mga paraan para maipasa sa Department of Trade and Industry ang usaping ito para sa nararapat na aksyon sa akreditasyon ng MECI. RNT/JGC