MANILA, Philippines- Mahigit 80 sasakyan ang na-impound ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagsasagawa ng ahensya ng road clearing operations niton bilang paghahanda para sa Undas.
Tinitiyak ng MMDA na maluwag at walang harang ang mga kalsada patungo sa mga sementeryo sa nalalapit na All Saints’ Day, base sa ulat nitong Martes.
Sa C3 Road corner A. Bonifacio Avenue sa Quezon City — ang major roads patungo sa Manila North Cemetery, ang pinakamalaking sementeryo sa Metro Manila — ay walang harang hanggang nitong Lunes ng umaga.
Magpapatuloy ang clearing operations hanggang bago sumapit ang All Saints’ Day.
Inilahad ni MMDA Traffic Enforcement Group director Atty. Victor Nuñez na sinimulan ng Special Operations Group ng ahensya ang clearing operations sa lugar noong Lunes.
“Nagsimula sila diyan sa area na ‘yan sa may North Cemetery at Chinese Cemetery kung saan nakapag-impound sila ng 15 na mga sasakyan na naka-ilegal na naka-park,” pahayag niya sa isang panayam.
“At may total apprehensions na 106 na natiketan,” dagdag niya.
Ani Nuñez, nagsasagawa rin ang MMDA ng clearing operations sa Aurora Boulevard at Rizal Avenue sa Manila, ilang bahagi ng Caloocan City, at malapit sa St. John Memorial Park sa San Juan City.
“Pati na rin mga malalaking major terminal sa Pasay, Manila, EDSA Cubao, Caloocan at sa may PITX kasama sa programa naming iki-clear simula ngayong linggo,” dagdag niya.
“Patuloy kaming nakikiusap sa ating mga kababayan lalong lalo na sa mga malalapit sa mga malalaking public cemetery at sa mga major terminal lalong lalo na ngayong papalapit ang Undas. Nagsimula na kami ng aming clearing operations simula kahapon. Sana po i-park nila ang kanilang mga sasakyan sa tamang parking at iwasang iwanan ang mga sasakyan sa kalsada sapagkat tuloy-tuloy na ang aming operations sa pamumuno ng aming Special Operations Group. Kaya sana po matututo sila na maging disiplinado sa pagpa-park ng kanilang mga behikulo.” RNT/SA