MANILA, Philippines – Balik bilang benepisyaryo ng Balik Pantawid Pamilyang Pilipinong Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development ang nasa 800,000 pamilya makaraang sabihin na “graduate” na sila sa kahirapan.
Dahil dito, nasa waitlist ang nasa 200,000 pamilya na bagong aplikante ng programa.
Sa ulat, nasa 793,000 re-activated families ang idinagdag sa kasalukuyang 4.2 milyong tirahan na aktibong benepisyaryo ng 4Ps.
“Nagbalik na yung mga dati na non-poor at naging subsistence o survival kaya hindi agad nakapasok [yung waitlisted], because nakita nga ng management, particularly ni (DSWD) Secretary Rex (Gatchalian), na hindi pa lahat [ng graduates] handa na talagang mag exit from the program,” ayon kay 4Ps National Program Management Office Director Gemma Gabuya.
Ipinunto ng DSWD ang low graduation rate sa programa.
Tanging 200,000 pamilya lamang umano ang nakatapos sa programa sa nakalipas na dekada, o nasa 500,000 na kabuuang pamilya ang naka-graduate mula sa 4Ps mula nang magsimula ang programa noong 2007.
Inisyal nang sinuspinde ng DSWD ang cash grants sa halos 800,000 benepisyaryo noong 2023 matapos na maabot na ng programa ang maximum number ng benepisyaryo.
Noong Disyembre 2023, inanunsyo ng ahensya ang mga pamilyang unang tinanggal sa listahan ay makatatanggap pa rin ng tulong matapos ang evaluation ng kanilang kalagayan.
Sa ilalim ng Republic Act 11310, nagbibigay ang 4Ps ng conditional cash transfers sa mga kwalipikadong mahihirap na pamilya para sa maximum period na pitong taon.
Kabilang sa kwalipikado sa programa ang mga magsasaka, mangingisda, walang tirahan, indigenous peoples, mga kabilang sa informal sector, at naninirahan sa isolated at disadvantaged areas, kasama ang mga lugar na walang kuryente. RNT/JGC