CAMP DANGWA, Benguet – Nasamsam ng mga pulis ang shabu at marijuana na nagkakahalaga ng halos P10 milyon sa rehiyon ng Cordillera mula Oktubre 7 hanggang 14.
Nagsagawa ng 15 operasyon ang Police Regional Office-Cordillera sa mga lalawigan ng Benguet, Kalinga, at Mountain Province at lungsod ng Baguio na nagresulta sa pagkakarekober ng 525 fully grown marijuana plants at 16.60 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng kabuuang P9,954,085.
Binubot ng Benguet at Kalinga Police Provincial Office ang mga halamang marijuana na nagkakahalaga ng P8.6 milyon at P1.2 milyon, ayon sa pagkakasunod.
Inaresto ng Baguio City Police Office ang isang hinihinalang tulak ng droga na kinokonsiderang street-level individual at nakumpiska ang shabu na nagkakahalaga ng P92,480.
Sa Mountain Province, nahuli rin ang isang drug pusher na itinuturing na high-value na indibidwal. Nakuha sa suspek ang shabu na nagkakahalaga ng P20,605.
Nangako ang PRO-Cordillera na hindi susuko sa kampanya kontra droga sa rehiyon para matiyak ang kaligtasan at seguridad ng komunidad. RNT