Home HOME BANNER STORY Halos P200-M shabu, kush nasabat ng BOC sa Pasay

Halos P200-M shabu, kush nasabat ng BOC sa Pasay

1
0
📸 Eric Ocapan

MANILA, Philippines — Halos P200 milyong halaga ng shabu at high-grade marijuana o “kush” ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga paketeng idineklarang personal effects sa isang warehouse sa Pasay City.

Ayon sa BOC, na-flag sa X-ray screening ang shipment na binubuo ng 15 kahon mula Canada dahil sa kahina-hinalang laman.

📸 Eric Ocapan

Sa isinagawang physical examination, natagpuan sa anim na kahon ang 28,324 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang standard drug price na P192.603 milyon.

Narekober din sa isa pang kahon ang tinatayang 4,746 gramo ng high-grade marijuana o kush na nagkakahalaga umano ng P7.119 milyon.

Bukod dito, nakumpiska rin ang 20 tuwalya at 20 duvet na hinihinalang may lamang liquid methamphetamine.

Ayon sa BOC, nagpositibo sa laboratory examination ng PDEA ang mga sample sa methamphetamine hydrochloride at cannabis.

Isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng PDEA, Customs Intelligence and Investigation Service, Customs Anti-Illegal Drug Task Force, Enforcement and Security Service, X-ray Inspection Project at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group.

Sinabi ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na ipinakita ng pagkakasabat ang kahalagahan ng intelligence-driven profiling, X-ray screening at inter-agency coordination laban sa drug smuggling.

Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang shipment at ang mga posibleng sangkot sa tangkang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa. Jay Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here