Home NATIONWIDE Marcoleta iginiit karapatang bumoto sa impeachment trial

Marcoleta iginiit karapatang bumoto sa impeachment trial

1
0

MANILA, Philippines — Iginiit ni detained Sen. Rodante Marcoleta na dapat bilangin ang kanyang boto sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte at kinuwestiyon din ang pagkakatalaga kay Sen. Francis “Chiz” Escudero bilang presiding officer ng impeachment court.

Sa manifestation na natanggap ng tanggapan nina Senate President Sherwin Gatchalian at Escudero, sinabi ni Marcoleta na nananatili siyang halal na senador at hindi nawawala ang kanyang puwesto dahil lamang sa pagkakaaresto o pagkakadetine.

Nauna nang kinumpirma ni Escudero na humiling si Marcoleta na kilalanin ang kanyang boto, na tumukoy sa impeachment rules noong panahon ng paglilitis kay dating Pangulong Joseph Estrada bilang posibleng batayan sa alternatibong paraan ng pagboto ng isang senator-judge na hindi personal na makadalo.

Pinaboran din ni Marcoleta ang ruling ni Escudero na 16 boto ang kailangan upang ma-convict ang Bise Presidente. Ayon sa kanya, malinaw sa Konstitusyon na kailangan ang concurrence ng two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado, na may 24 na puwesto. Nauna nang inilabas ni Escudero ang kaparehong ruling noong Hulyo 6.

Gayunman, tinututulan ni Marcoleta ang mismong pagkakatalaga kay Escudero bilang presiding officer.

Giit niya, ang Senate President ang dapat mamuno sa impeachment trial maliban lamang kung Pangulo ng Republika ang nililitis, kung saan ang Chief Justice ang itinakdang presiding officer ng Konstitusyon.

Kinuwestiyon din niya ang bisa ng Senate rule na ginamit upang magtalaga ng ibang senador bilang presiding officer, na aniya’y pinagtibay nang walang quorum.

Nananatiling pinagdedebatehan sa impeachment court ang 16-vote threshold. Nakatakdang dinggin ang pananaw ng mga amici curiae bago magpasya ang mga senator-judge kung pananatilihin o babaligtarin ang ruling ni Escudero.

Si Marcoleta ay kasalukuyang nakakulong kaugnay ng plunder case laban sa kanya, ngunit wala pang pinal na hatol sa kaso. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here