Home METRO Halos P500K suportang agrikultura, inihatid ng DA-MIMAROPA sa mga katutubong komunidad sa...

Halos P500K suportang agrikultura, inihatid ng DA-MIMAROPA sa mga katutubong komunidad sa Abra de Ilog

1
0

MANILA, Philippines – Aabot sa kalahating milyong pisong halaga ng suportang pang-agrikultura ang inihatid ng Department of Agriculture (DA) – MIMAROPA sa mga katutubong komunidad sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro, bilang bahagi ng Localized Peace Engagement Caravan na pinangunahan ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU).

Ayon sa Department of Agriculture (DA) isinagawa ang caravan sa tatlong lugar sa bayan, partikular sa Sitio Banabaan, Barangay Cabacao; Sitio Kapehan at Kadilawan, Barangay San Vicente; at Sitio Latag, Barangay Udalo. Layunin ng aktibidad na ilapit ang mga pangunahing serbisyo at programa ng pamahalaan sa mga katutubong komunidad sa pamamagitan ng pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya.

Sa ilalim ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Program, namahagi ang DA-MIMAROPA ng 50 bote ng organic insecticide, tig-50 pakete ng soil conditioner at biofertilizer, 100 pakete ng organic plant supplement, at 79 bote ng liquid fertilizer na may kabuuang halagang ₱348,770.50. Layunin ng mga naturang agricultural inputs na makatulong sa pangangalaga ng mga pananim at pagpapabuti ng produksyong pang-agrikultura ng mga benepisyaryo.

Bukod dito, namahagi rin ang kagawaran ng 400 pakete ng sari-saring binhi ng gulay sa ilalim ng High Value Crops Development Program (HVCDP) at National Urban and Peri-Urban Agriculture Program (NUPAP), na nagkakahalaga ng ₱13,768. Kabilang sa mga binhing ipinagkaloob ang mga gulay na maaaring itanim para sa sariling pagkonsumo at karagdagang pagkakakitaan ng mga pamilya.

Kaugnay nito nagkaloob din ang Corn Program ng 20 sako ng hybrid corn seeds na nagkakahalaga ng ₱119,980 bilang karagdagang suporta sa mga magsasakang nagtatanim ng mais sa lugar.

Samantala, pitong magsasaka ang nakatanggap ng kabuuang ₱16,275 na tulong sa ilalim ng Presidential Assistance for Farmers, Fisherfolk and Families (PAFFP).

Kasabay nito, pinangasiwaan din ng DA-MIMAROPA ang pagpaparehistro at pag-update ng impormasyon ng 152 magsasaka sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA). Mahalaga ang pagpaparehistro sa RSBSA upang mas madaling matukoy ang mga magsasakang maaaring makinabang sa iba’t ibang programa at serbisyo ng kagawaran.

Kaugnay nito bilang karagdagang suporta, nakatakda ring maghatid ang DA-MIMAROPA sa mga susunod na araw ng 200 sako ng certified rice seeds sa ilalim ng Rice Program, gayundin ng mga binhi ng gulay kabilang ang ampalaya, pole sitao, squash, okra, kamatis, talong, pechay, at sili. Kabilang din sa mga karagdagang interbensyon ang mga organikong pataba, soil conditioner, biofertilizer, organic plant supplement, at organic insecticide upang higit na masuportahan ang produksyong pang-agrikultura ng mga katutubong magsasaka.

Sa ilalim ng pamumuno ni Regional Executive Director Atty. Christopher R. Bañas, patuloy na isinusulong ng DA-MIMAROPA ang paghahatid ng mga programa at serbisyong pang-agrikultura sa mga katutubong komunidad, partikular sa mga liblib na lugar, upang mabigyan sila ng higit na pagkakataong mapaunlad ang kanilang produksiyon, seguridad sa pagkain, at kabuhayan. SANTI CELARIO

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here