MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Court of Appeals (CA) ang hatol ng mababang korte laban sa hinihinalang miyembro ng Maute terrorist group dahil sa illegal possession of explosive device.
Sa 16 na pahinang desisyon ng CA Fifth Division kinatigan nito ang ruling ng Taguig City Regional Trial Court Branch 266 na nagsabing guilty aa paglabag sa Presidential Decree 1866 si Nasifa Pundug.
Si Nasifa ay pinatawan ng parusang reclusion perpetua o hanggang 40 taon na pagkakulong.
Sinabi ng CA na masyadong mabigat ang mga ebidensya ng prosekusyon partikular ang ang testimonya ng mga testigo.
Binigyan-diin ng appellate court na hindi maaring mangibabaw ang alibi ng akusado sa positibong pagkilala ng mga saksi sa kanya.
Sa rekord ng kaso, August 2016 naaresto si Pundug at pitong iba pa na umano’y mga miyembro ng Maute group sa Lumbayanague, Lanao del Sur.
Batay sa mga otoridad nasamsam ang ilang kontrabando mula sa grupo kabilang ang blasting cap sa loob ng bag ni Pundug.
Iginiit naman ni Pundug na hindi napatunayan na sa kanya ang blasting cap dahil bukod sa wala itong serial number ay hindi naman ito namarkahan numg siya ay naaresto.
Hindi rin aniya nakuhanan ng larawan ang blasting cap at hindi iprinisinta sa pagdinig.
Gayunman, sinabi ng CA na ipinaliwanag ng mga otoridad na walang identification marks at larawan ang blasting cap dahil masyado itong sensitibo na maaring magdulot ng pagsabog.
Sinabi ng appellate court na mapanganib kung ipiprisinta sa korte ang blasting cap.
Nabatid na nahuli mismo sa akto ng testigo na si Army Lieutenant Joseph Plumentera si Pundug na dala ang naturang blasting cap. Teresa Tavares