MANILA, Philippines – Isang panukalang batas ang inihain sa House of Representatives na naglalayong bigyan ng health insurance coverage ang mga guro sa pampublikong paaralan.
Sa House Bill No. 10984 ni Quezon City Rep. Patrick Michael Vargas, inaatasan ang Department of Education (DepEd) na kumuha ng health maintenance packages para sa halos isang milyong public school teachers.
Layunin nitong dagdagan ang proteksyon ng mga guro laban sa malalaking gastusing medikal bukod sa benepisyo ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at mabawasan ang kanilang out-of-pocket expenses.
“As part of our commitment to valuing teachers, we must take care of their health and remove the burden of medical expenses should they fall ill,” aniya.
Sa ilalim ng panukala, magsasagawa ang DepEd ng public bidding at makikipagnegosasyon para sa mas mataas na coverage dahil sa laki ng bilang ng mga gurong sakop nito.
Kabilang sa mga benepisyong nais ibigay ang mas mataas na benefit limits, libreng hospital stays at doctor check-ups, gayundin ang coverage para sa pre-existing conditions sa mga accredited hospital sa buong bansa.
Sa kasalukuyan, tumatanggap ang public school teachers ng P7,000 annual medical allowance sa ilalim ng Executive Order No. 64 at DepEd Order No. 16.
Gayunman, sinabi ni Vargas na hindi sapat ang naturang halaga lalo na kapag nagkaroon ng malubhang sakit o kinakailangang maospital ang isang guro. RNT/MDS