Home METRO Health protocols ipatutupad sa Translacion

Health protocols ipatutupad sa Translacion

MANILA, Philippines – Hinihikayat ng Simbahan ng Quiapo ang mga deboto na magsuot pa rin ng facemask sa Kapistahan ng Poong Nazareno.

Sinabi ni Bro. Christopher Grajo sa ginanap na media briefing ngayong Huwebes ng umaga, Enero 4, na mahigpit nilang ipapatupad ang health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Ayon kay Bro. Grajo, kailangan nakasuot ng face masks sa loob at labas ng Simbahan.

Bukod dito, ipapatupad din ang social distancing sa loob ng Simbahan para sa mga dadalo ng Misa.

Para maiwasan naman ang siksikan, gagawing isa ang pasukan habang ang magkabilang gilid ng simbahan ang papalabas.

Umaasa naman ang Simbahan ng Quiapo na mas mapapabilis ngayon ang oras ng prusisyon dahil wala nang mga sasampa sa Andas.

Sa panig naman ng Manila LGU, sinabi naman ni Mayor Honey Lacuna ng Maynila, ilang beses nagsagawa ng pagpupulong ang LGU at Simbahan para sa Traslacion ngayong taon.

Dahil sa mahigpit na ugnayan ng lokal na pamahalaan at simbahan, nagkasundo sila na atasan ang mga hijos ng bawat Balangay na magpa tupad ng pagsusuot ng face mask sa lahat ng mga magtutungo sa Kapistahan.

Para maiwasan naman ang siksikan, gagawing isa ang pasukan habang ang magkabilang gilid ng simbahan ang papalabas.

Sa pahayag ni Manila Mayor Honey Lacuna- Pangan, magkakaloob sila ng mga face mask sa mga magtutungo sa simbahan upang maging ligtas at maiwasan na mahawaan ng anumang uri ng sakit.

Nakikiusap rin ang alkalde sa publiko lalo na sa mga deboto na makiisa sa inilatag na patakaran para sa sariling kapakanan at maiwasan ang kaguluhan.

Sa huli, iginiit ni Mayor Honey na handang-handa na ang lahat para sa pagdiriwang ng Nazareno 2024 gayundin sa pagdiriwang ng misa sa unang Biyernes ng taong 2024.

Magkakaroon din aniya ng firecracker ban at liquor ban sa bisinidad ng Quiapo para maiwasan ang anumang insidente at ito ay ilalabas ngayong araw, Enero 4. Jocelyn Tabangcura-Domenden