Ito umano ang binitiwang salita ng 23-anyos sa isang dalagang tinutukan ng patalim habang naglalakad, napaulat sa Valenzuela City.
Sa tinanggap na ulat ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban, naglalakad patungo sa terminal ng tricycle sa Pearl Island Compound, Malinis Street, Barangay Lawang Bato si alyas “Jana,” residente ng Pleasant View Drive Subdivision, Caloocan City dakong alas-8 ng gabi nang harangin siya at tutukan ng patalim ng suspek na si alyas “Edmyl,” nakatira sa Brgy. Bagbaguin, sabay banggit ng katagang “Papatayin Kita Put—In—Mo.”
Sa takot ng dalaga, nagtatakbo at nagsisigaw na humingi ng tulong, na nakatawag-pansin sa nagpapatrulyang mga tauhan ng Bignay Police Sub-Station-7 na mabilis na humarang sa suspek.
Sa halip namang sumuko, itinapon ng binata ang hawak na patalim sabay tulak sa mga pulis at kumaripas ng takbo patakas.
Hinabol ng mga pulis si alyas Edmyl na sa kamamadali ay nadapa kaya dito na siya naaresto ng mga pulis.
Nang kapkapan, nakuha sa bulsa niya ang isang maliit na plastic sachet na naglalaman ng 0.41 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P2,788.
Ayon kay Col. Cayaban, patong-patong na kasong Grave Threat, Resistance and Disobedience to Agent of Person of Authority, Illegal Possession of Deadly Weapon at paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isasampa nila laban sa suspek sa piskalya ng Valenzuela City. Merly Duero