Home METRO Menor-de-edad na tinangay ng ama nasagip ng Parañaque City police

Menor-de-edad na tinangay ng ama nasagip ng Parañaque City police

MANILA, Philippines- Nasagip ng Parañaque City police ang 11-taong-gulang na batang lalaki sa kustodiya ng kanyang ama na tumangay sa kanya makaraan ang tatlong linggo.

Base sa report na isinumite ni Parañaque City police chief P/Col. Melvin Montante sa Southern Police District (SPD), unang napasakamay ang bata sa kustodiya ng kanyang ama na nakilalang si alyas Joseph, 39, residente ng General Trias, Cavite, nitong nakaraang Disyembre 20, 2024 bandang alas-4 ng hapon makaraang makiusap at mangako ito sa kanyang dating live-in partner na si alyas Ruth, 30, laundry assistant, na kanyang ibabalik ang bata bago magsimula ang pasukan ng eskwela nitong Enero.

Ayon kay alyas Ruth, pumayag siya sa pakiusap ng suspek dahil tunay naman na anak ang bata ngunit makaraan ang selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon ay hindi pa rin naibabalik sa kanya ang bata na nagdulot ng kanyang masidhing pag-aalala.

Sa kabila ng paulit-ulit niyang pakiusap ay ayaw pa ring isauli ang bata sa kanya kung saan nagbigay pa ng kondisyon ang suspek na kanyang isasauli ang bata kung siya ay makikipagbalikan sa suspek na mariin niyang tinanggihan.

Sa pagkakataong ito ay humingi na ng tulong si alyas Ruth sa Sumbong Nyo Aksyon Agad TV program sa Camp Crame, Quezon City kung saan ini-refer naman siya sa Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Parañaque City police.

Nakatanggap ng impormasyon mula sa isang kamag-anak ng suspect ang Parañaque City police na si alyas Joseph at ang bata ay namamalagi sa Sta. Rosa, Laguna, kung kaya’t agad na kumilos ang mga awtoridad na nakipag-ugnayan sa Laguna Provincial Police Office at nagsagawa ng operasyon dakong alas-9:30 ng Huwebes ng gabi na nagresulta ng pagkakaaresto ng suspek pati na rin ng pagkakasagip ng bata na agad namang naibalik sa kustodiya ng kanyang ina.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Violence Against Women and Their Children Act (Republic Act 9262) at Revised Penal Code (Article 270 – Kidnapping and Failure to Return a Minor) ang suspect na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Parañaque City police. James I. Catapusan