MANILA, Philippines – Nagbigay ng direktiba sa mga miyembro ng Caloocan City Disaster Risk Reduction and Management Council si Mayor Along Malapitan upang magpulong bilang paghahanda laban sa Henipavirus.
Nagmula ang nasabing virus sa Malaysia at Singapore noong 1999. Naitala naman ang unang kaso nito sa Sultan Kudarat noong 2014.
“Wala mang Henipavirus sa Lungsod ng Caloocan, mainam pa rin na tayo ay maging handa at maingat,” ani Malapitan
Ang Henipavirus ay dala ng Nipah virus at Hendra virus na nagmumula sa dumi, laway, o dugo ng paniki, baboy, kabayo, o sa pagkain ng mga prutas na kontaminado nito.
Ito ay maaaring magdulot ng pamamaga ng utak (encephalitis) at pulmonya (pneumonia).
“Mga Batang Kankaloo, makakaasa po kayo na tayo’y nakaalerto at patuloy na kumikilos kasama ang iba’t ibang kagawaran ng Pamahalaang Lungsod upang mabantayan ang kalusugan, kapakanan, at kaligtasan ng bawat isa,” pagwawakas ng alkalde. Merly Iral