Home HOME BANNER STORY Hidden wealth ni VP Sara, pwedeng ilantad ng impeachment court – Diokno

Hidden wealth ni VP Sara, pwedeng ilantad ng impeachment court – Diokno

1
0

MANILA, Philippines – May kapangyarihan ang impeachment court alinsunod sa itinakda ng 1987 Constitution na alamin ang lahat ng tagong-yaman ni Vice President Sara Duterte na hindi ideneklara sa Statement of Assets and Liabilities and Network (SALN), ayon kay House Prosecutor Akbayan Rep. Chel Diokno.

Sa kanyang opening statement sa pagbubukas ng ika-anim na impeachment trial ni Duterte, sinabi ni Diokno na simple lang ang isyung kinahaharap ngayon ng bayan pero napakabigat: Bubuksan ba natin ang pinto ng katotohanan, o haharangin ito?

“Ang hiling ng prosekusyon ay mailabas ang buong katotohanan, so that this Court may know the truth, the whole truth, and nothing but the truth, and make its decisions based on that,” ayon kay Diokno.

Kaya aniya, hiniling ng prosecution na magpalabas ng subpoena duces tecum sa lahat ng bank records, tax records at Anti-Money Laundering Council reports na may kaugnayan kay Vice President Sara Duterte at asawa nitong si Atty. Mans Carpio.

Ayon kay Diokno, sa pamamagitan ng dokumentong hinihingi ng prosecution, mailalahad ang buong katotohanan hinggil sa alegasyon sa Article II ng Articles of impeachment.

Kabilang dito, ayon sa prosecution, ang mga sumusunod:

● Una: Na pinayaman ni Bise Presidente ang kanyang sarili nang labis-

labis sa kanyang legal na sahod at lehitimong kita bilang isang lingkod-bayan.

● Pangalawa: Na mayroon siyang mga ari-ariang hindi idineklara sa

kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net (SALN) Worth mula taong

2022 hanggang 2025; at

● Pangatlo: Na habang siya ay nanunungkulan bilang Bise Presidente, nakibahagi siya sa negosyo, directly or indirectly, kahit ipinagbabawal ito ng ating Konstitusyon.

AMLA CONFIDENTIALITY CLAUSE, HINDI PARA HARANGIN ANG KATOTOHANAN

Sa hiwalay na bahagi ng kanyang argumento, sinabi ni Diokno na hindi dapat basahin ang confidentiality provisions ng Anti-Money Laundering Act (AMLA) bilang hadlang sa Impeachment Court para makuha ang mga AMLC record na may kinalaman sa kaso.

Ipinaliwanag nito na ang layunin lamang ng confidentiality clause ng AMLA na pigilan ang mga opisyal ng AMLC sa pagbubunyag ng impormasyon sa mga taong sangkot sa Covered Transaction Reports (CTR) at Suspicious Transaction Reports (STR), at pangalagaan ang integridad ng mga imbestigasyon hindi para harangin ang isang constitutional body tulad ng Impeachment Court.

Isa sa pinakamahalagang detalye na inilahad ni Diokno ay ang datos mula sa isang AMLC report na isinumite sa House Committee on Justice, na nagpapakita umano ng malaking pagtaas sa financial activity ni VP Duterte simula pa noong siya ay Davao City vice mayor hanggang mayor.

“Ayon sa report ng Anti-Money Laundering Council na isinumite sa Committee on Justice ng House of Representatives, the financial activity of Vice President Sara Duterte increased significantly starting 2007, when transaction values surged to Php208.15 million,” saad ni Diokno.

Ayon pa sa kanya, patuloy na tumaas ang financial transactions ni VP Duterte sa mga sumunod na taon.

“According to the same report… financial movements intensified between 2009 and 2013, with consistently high totals exceeding Php400 million, including notable peaks in 2009 (Php704.93 million), 2010 (Php648.58 million), and 2011 (Php597.15 million),” dagdag nito.

Idiniin ni Diokno na kasabay ang mga taong ito ng panunungkulan ni Duterte bilang lokal na opisyal ng Davao City.

“Si VP Sara ay nanungkulan bilang Vice Mayor ng Davao City mula 2007 hanggang 2010. Naglingkod naman siya bilang Mayor ng Davao City mula 2010 hanggang 2013. From 2007 up to 2013, ayon sa records ng AMLC, lumampas sa P3 billion (Php3,020,460,347.20) ang kanyang financial activity,” paliwanag nito.

BANK SECRECY LAW AT DATA PRIVACY ACT, HINDI HADLANG

Direktang tinukoy din ni Diokno ang Republic Act No. 1405 o ang Bank Secrecy Law, na malinaw na kinikilala ang impeachment bilang isa sa mga exception sa confidentiality ng bank deposits.

“Kahit ang Bank Secrecy Law ay sumusunod at tumatalima sa Impeachment Court,” giit nito kung saan tinukoy nito ang probisyon na nagtatakda na ‘All deposits… are hereby considered as of an absolutely confidential nature… except… in cases of impeachment.'”

“Walang kaduda-duda. May karapatan at kapangyarihan ang Impeachment Court na busisiin ang bank records ni VP Sara,” giit nito.

Sinagot din ni Diokno ang isyu kaugnay ng Data Privacy Act, na aniya ay hindi rin hadlang sa pag-isyu ng subpoena.

“Hindi rin po hadlang ang Data Privacy Act,” ani Diokno kung saan sinabi nito na kinikilala mismo ng batas na hindi na aplikable ang confidentiality kung kinakailangan ang personal information alinsunod sa isang wastong inisyung subpoena.

“The law itself affirms that confidentiality shall not apply… should the personal information be needed pursuant to a subpoena duly issued,” ani Diokno.

Muli, paniniyak ni Diokno, na walang kaduda-duda na may karapatan at kapangyarihan ang impeachment clourt na ipas-ubpoena ang lahat ng dokumento ni VP Sara Duterte.

“Pero sabi ng kampo ni Vice President, “irrelevant” daw ang mga bank records, AMLC reports at BIR records, lalo na daw ang mga transaction na nangyari bago siya umupo bilang Pangalawang Pangulo dahil wala raw itong kinalaman sa kasong ito,” ayon kay Diokno.

“The prosecution respectfully, but vehemently disagrees,” giit ng prosecution.

Paulit-ulit na binanggit ni Diokno na hangad lamang ng prosekusyon na malabas ang buong katotohanan upang makapagdesisyon ang Impeachment Court batay sa kompletong ebidensya.

“Ang hiling ng prosekusyon ay mailabas ang buong katotohanan, so that this Honorable Court may decide the case based on the truth, the whole truth, and nothing but the truth,”

Idiniin din nito na higit sa lahat, ang pananagutan sa taumbayan ang dapat manaig kaysa sa personal na interes ng sinumang inaakusahang opisyal.

“Sa proseso ng impeachment, ang pananagutan sa taumbayan ang pinakamahalaga sa lahat. Mas matimbang ito kaysa personal na interes ng sinumang opisyal na inaakusahan,” ani Diokno.

Panawagan ng prosekusyon sa Impeachment Court na gamitin ang natatanging kapangyarihan nitong busisiin ang mga bank records, tax records, at AMLC reports upang malutas ang kaso batay sa buong katotohanan para sa interes at kapakanan ng sambayanang Pilipino. Gail Mendoza/Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here