PANGASINAN, Philippines – Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PhiVolcs) ng 104 lindol mula Mayo 27 hanggang Hunyo 3 na may mga epicenter sa karagatang bahagi ng Bolinao.
Ayon kay April Grace Caluya Pagud ng Bolinao Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, ang mga lindol ay may lakas na mula magnitude 1.9 hanggang 4.4.
Bagama’t karamihan sa mga lindol ay mahina at hindi naramdaman sa kalupaan, patuloy ang pagbabantay ng mga awtoridad dahil ang mga epicenter ay nasa bahagi ng Manila Trench, humigit-kumulang 100 kilometro sa kanluran ng Bolinao.
Ayon sa mga eksperto, normal ang ganitong seismic activity sa mga tectonically active area tulad ng Manila Trench at sa kasalukuyan ay wala pang indikasyon na may kaugnayan ito sa isang malaking o paparating na lindol.
Patuloy ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan sa Phivolcs at nagpapatupad ng mga paghahanda tulad ng earthquake drills, 24/7 monitoring sa emergency operations center, at pagpapakalat ng impormasyon sa mga komunidad.
Hinihikayat din ang mga pamilya na maghanda ng emergency go-bags at alamin ang pinakamalapit na evacuation centers bilang bahagi ng paghahanda sa posibleng sakuna. RNT/MND