CALOOCAN, Philippines – Mayroong kabuuang 1,271 trainees mula sa bagong batch ng mga nagtapos ngayong taon sa Caloocan City Manpower Training Center (CCMTC) ang nakinabang sa libreng vocational courses alinsunod sa layunin ng pamahalaang lungsod na palakasin ang mga lokal na programa sa kabuhayan at trabaho.
Natapos ng mga trainee ang iba’t ibang kurso, kabilang ang Automotive Servicing and Motorcycle Repair, Basic Welding, Electrical Repair and Consumer Electronics, Cosmetology and Hair Science, at Basic Housekeeping, bukod sa iba pa.
Binigyang-diin ni City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan na isa sa mga layunin ng CCMTC sa pagbibigay ng libreng kursong bokasyonal ay bigyang kapangyarihan ang mga trainee na magsimula ng sarili nilang negosyo o makakuha ng disenteng mga oportunidad sa trabaho dito at sa ibang bansa.
“Tinitiyak ng pamahalaang lungsod, ng Public Employment Service Department (PESD), at ng CCMTC na ang training courses na maaaring kunin ng mga trainee ay nasa mga larangan na mas madali silang makakakuha ng trabaho o makakapagsimula ng kanilang sariling negosyo,” ani Mayor Along.
“Sa ganitong paraan, mabilis ang dating ng mga oportunidad sa mga graduates ng CCMTC at magagamit kaagad nila ang kanilang mga natutunan para kumita at makatulong sa kanilang pamilya,” dagdag niya.
Binati rin ng alkalde ang mga nagtapos at kinilala ang kanilang dedikasyon para sa pagpapabuti ng sarili.
“Basta’t sasabayan niyo po ng sipag at diskarte, asahan niyo na patuloy na kikilos ang pamahalaang lungsod upang maglapit ng mga oportunidad para sa ating mga mamamayan,” sabi ni Mayor Along. (Merly Duero)