Home METRO Higit 1,100 residente sa Maynila, lumikas; 10-araw na ulan, bumuhos sa isang...

Higit 1,100 residente sa Maynila, lumikas; 10-araw na ulan, bumuhos sa isang araw

1
0

MANILA, Philippines — Umabot na sa 1,141 residente o 367 pamilya ang napilitang lumikas sa iba’t ibang evacuation center sa Maynila matapos ang sunod-sunod at matinding buhos ng ulan na nagdulot ng pagbaha sa ilang bahagi ng lungsod.

Batay sa pinakahuling datos ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) hanggang alas-8 ng umaga nitong Linggo, Agosto 30, pinakamaraming evacuees ang naitala sa Districts V at VI at sa BASECO.

Sa Don Bosco School sa District VI, 157 pamilya o 518 indibidwal ang kasalukuyang nakasilong, habang 150 pamilya o 450 indibidwal naman ang lumikas sa BASECO Evacuation Center.

Ayon kay MDSW Director Jay Reyes Dela Fuente, patuloy ang pagkilos ng MDSW upang matiyak na natutugunan ang pangunahing pangangailangan ng mga pamilyang lumikas.

Kabilang sa ipinamahagi ang mainit na pagkain, hapunan, sleeping mats at almusal para sa mga evacuees.

Samantala, sinabi ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department (MCDRRMD) na hindi biro ang dami ng ulan na bumuhos sa lungsod noong Sabado, Agosto 29.

Ayon kay MCDRRMD resident meteorologist at Chief of Research and Planning Christian John Evangelista, umabot sa 147.4 millimeters (mm) ang pinakamataas na rainfall na naitala sa Dr. Alejandro Albert Elementary School sa Sampaloc—dami ng ulan na katumbas umano ng halos 10 araw na pag-ulan.

“Katumbas po ng sampung araw na ulan ang bumuhos sa Maynila kahapon,” ani Evangelista.

Naitala rin ang pinakamataas na hourly rainfall na 23.6 mm bandang alas-4 ng hapon sa naturang monitoring station.

Sa iba pang monitoring stations, umabot sa 143 mm ang kabuuang rainfall sa Cayetano Arellano High School, 135.8 mm sa BASECO Evacuation Center at 129.6 mm sa Manila City Hall.

Dahil sa paulit-ulit na paglakas ng ulan, binaha ang ilang pangunahing lansangan sa lungsod.

Kabilang dito ang gutter-deep flooding sa malaking bahagi ng Taft Avenue at ilang bahagi ng España Boulevard, habang umabot naman sa 8 pulgada ang baha sa Roxas Boulevard-Pedro Gil at Magsaysay-V. Mapa area sa Sta. Mesa.

Pinakamalalim na baha ang naitala sa Kalaw Avenue patungong Taft, na umabot sa 10 pulgada o halos kalahating tuhod.

Paliwanag ni Evangelista, sapat ang dami ng ulan upang magdulot ng pagbaha, partikular sa mga mabababang lugar.

Kasabay ng pagsidhi ng ulan bandang alas-4 ng hapon ang mabilis na pagdami ng mga residenteng nagtungo sa evacuation centers.

Mula sa mahigit isang libong evacuees ngayon, patuloy namang mino-monitor ng MDSW at MCDRRMD ang mga evacuation center upang agad na matugunan ang anumang pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan ng pagbaha. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here