Home METRO Higit 12 riders sugatan sa aksidente sa Kamuning Flyover dahil sa putik

Higit 12 riders sugatan sa aksidente sa Kamuning Flyover dahil sa putik

(c) Val Leonardo

MANILA, Philippines – Nasugatan ang mahigit 12 motorcycle riders nang sumemplang ang kanilang mga motorsiklo dahil sa putik na natapon sa Kamuning flyover, Martes ng madaling araw, Marso 11, 2025.

Ayon sa MMDA traffic enforcers, nagmula ang putik sa isang dump truck na aksidenteng nabuksan ang tailgate, dahilan para kumalat ang basang lupa sa kalsada. Dahil dito, sunod-sunod na naaksidente ang mga rider.

Val Leonardo

Agad namang binigyan ng paunang lunas ng MMDA rescue ang mga nasugatang biktima. Ayon sa isang rider, tumilapon sila ng kanyang kasama matapos madulas sa maputik na bahagi ng daan.

Pansamantalang isinara ang northbound lane ng flyover at bahagi ng busway bago mag-alas tres ng madaling araw, na nagdulot ng matinding traffic hanggang Cubao.

Paliwanag ng drayber ng dump truck, galing siya ng Pasig papuntang Pampanga at nabuksan umano ang safety lock ng tailgate dahil sa bigat ng panambak na lupa. Humingi siya ng paumanhin sa mga naapektuhan ng insidente.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng QCPD Traffic Sector 3 ang drayber ng dump truck at posibleng maharap sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries and damage to property. Santi Celario