CAGAYAN, Philippines – Mahigit 150 ektarya ng palayan sa bayan ng Ballesteros, Cagayan ang sinira ng “ulmog” o brown planthopper ngayong buwan, ayon sa lokal na pamahalaan.
Babala ng mga opisyal sa agrikultura ng Ballesteros, posibleng magdulot ito ng malaking pagbagsak o pagkawala ng ani ng palay kung magpapatuloy ang pagkalat ng peste.
Ayon sa municipal agriculturist na si Roderick Lazo, kumakain ang mga insektong ito ng katas ng halamang palay na nagdudulot ng pagkatuyo at pagkamatay ng mga halaman habang mabilis silang kumakalat sa mga karatig-palayan.
Mahigit 170 magsasaka na ang apektado, at ipinag-utos na ang pag-spray ng insecticide sa mahigit 30 ektarya ng taniman upang mapigilan ang pagkalat ng peste.
Natukoy ang matinding pinsala sa mga barangay ng Fugu, Mabuttal East, Mabuttal West, Baran, at San Juan.
Iniutos ni Mayor Robert Ogalino ang agarang aksyon ng Municipal Agriculture Office upang mapigilan ang paglala ng sitwasyon.
Payo ni Lazo sa mga magsasaka, agad ipaalam kung patuloy na aatake ang “ulmog” upang mabigyan ng agarang solusyon gaya ng dagdag na pag-spray ng insecticide. Aniya, kung maaari nang anihin ang palay, mas mainam na anihin na ito agad bago tuluyang masira.
Ayon pa sa kanya, ilang taon na ang nakalipas mula nang huling magka-outbreak ng “ulmog” sa Ballesteros.
Hinimok din niya ang mga magsasaka na magparehistro sa Philippine Crop Insurance Corporation upang maprotektahan ang kanilang pananim.
Ang brown planthopper (Nilaparvata lugens) ay kilalang peste sa palayan na sumisipsip ng katas ng halaman at nagdudulot ng “hopper burn,” o mabilis na paninilaw at pagkatuyo ng palay. RNT/MND