MANILA, Philippines – Nakahanda nang sampahan ng kaso ang isang Sangguniang Kabataan (SK) chairman sa Maynila matapos ang reklamo ng umano’y paulit-ulit na pang-aabuso sa kaniyang kasintahan na ngayon ay buntis.
Ayon sa ulat, sinabi ng biktima na naging marahas ang kanilang relasyon ilang buwan matapos silang magsama, at ilang beses umanong nakaranas ng pisikal na pananakit.
Isa sa mga ebidensya ay isang cellphone video na nagpapakita ng isang lalaking nananakit ng babae sa loob ng bahay sa Antipolo City noong nakaraang taon. Kalaunan, kinilala ang lalaki bilang SK chairman sa isang barangay sa Sampaloc, Maynila.
Makikita sa video na kuha umano noong Nobyembre ang biktima na may sugat at duguang mukha matapos umano siyang suntukin. May mga larawan din noong Pebrero na nagpapakita ng mga pasa at galos sa iba’t ibang bahagi ng katawan niya.
Sa isa pang insidente na sinasabing kamakailan lang, sinabi ng biktima na nagsimula ang pananakit dahil sa selos.
Ayon sa biktima, higit dalawang taon na silang magkasama at nagsimula ang umano’y pang-aabuso bandang ikawalong buwan ng kanilang relasyon. Sa kabila nito, inamin niyang pinapatawad pa rin niya ito dahil sa pagmamahal.
Mahigit dalawang buwan na ring buntis ang biktima at inamin niyang minsan ay gumaganti rin siya kapag nasasaktan.
Ayon sa barangay sa Antipolo, ilang beses na silang nakapagresponde sa alitan ng magkasintahan. Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang SK chairman. RNT/MND