MANILA, Philippines – Umabot sa 15,763 kaso ng dengue ang naitala sa buong bansa mula Agosto 2 hanggang 15, ayon sa Department of Health (DOH). Mas mataas ito ng 9% kumpara sa 14,409 kaso mula Hulyo 19 hanggang Agosto 1.
Sa buong 2026, umabot na sa 128,634 ang kabuuang kaso ng dengue. Gayunman, mas mababa ito ng 39% kumpara sa 209,631 kaso na naitala sa kaparehong panahon noong 2025.
Ang dengue ay viral infection na naipapasa sa pamamagitan ng kagat ng infected na lamok at karaniwan sa mga bansang tropikal gaya ng Pilipinas.
Pinaalalahanan ng DOH ang publiko na agad kumonsulta sa doktor kapag nakaranas ng sintomas tulad ng biglaang mataas na lagnat at matinding pananakit ng katawan.
Hinimok din ang publiko na iwasang lumusong sa baha, panatilihin ang wastong kalinisan at alisin ang naipong tubig sa mga lalagyan na maaaring pamugaran ng lamok.
Ayon sa DOH, nakahanda na rin ang ahensya sa posibleng pagdami ng kaso at naglaan ng mga supply para sa blood banks at laboratory testing.
May apat na uri ng dengue virus—DENV-1, DENV-2, DENV-3 at DENV-4. Maaaring mahawaan ang isang tao ng higit sa isang uri sa kanyang buhay. Ayon sa World Health Organization (WHO), mas mataas ang panganib ng severe dengue kapag muling nahawaan ng ibang serotype.
Walang partikular na gamot para sa dengue. Nakatuon ang paggamot sa pagpapagaan ng sintomas, sapat na pag-inom ng likido at pagsubaybay upang maagapan ang mga komplikasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden