LANAO DEL SUR, Philippines – Mahigit 160 hand grenades, matataas na kalibre ng baril, at mga bala ang boluntaryong isinuko sa militar sa Lanao del Sur, ayon sa Philippine Army.
Sinabi ni Brig. Gen. Yasser Bara, commander ng 101st Brigade, na 11 indibidwal mula sa bayan ng Marogong at Lumbatan ang nagsuko ng mga armas sa isinagawang aktibidad ng 101st Infantry Brigade sa Barangay Matalin, Malabang.
Kabilang sa mga isinuko ang 167 hand grenades, isang M14 rifle, dalawang Garand rifle, isang carbine rifle, at iba’t ibang magazine, clips, at mga bala.
Ayon sa mga sibilyan, isinuko nila ang mga armas bilang bahagi ng kanilang hangaring mamuhay nang mapayapa at makaiwas sa karahasan.
Sinabi rin ng isa sa mga sumuko na nais nilang makatulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kanilang komunidad.
Dagdag ni Bara, nagpahayag din ng kahandaan ang mga indibidwal na sumali sa Citizen Armed Force Geographical Unit Active Auxiliary (CAFGU-CAA) program upang tumulong sa seguridad sa kanilang lugar.
Pinuri ng opisyal ang mga sibilyan sa pagsuporta sa peace initiatives ng gobyerno at hinikayat silang maging katuwang sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaunlaran sa kanilang komunidad. RNT/MND