MANILA, Philippines – Mahigit isang libong Pilipino sa Lebanon ang nakatakdang iuwi sa Pilipinas sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Israel at Hezbollah fighters na ikinamatay na ng daan-daan.
Sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Robert Ferrer noong Martes, Setyembre 24, na ginagawa na ng Philippine Embassy sa Beirut ang pagpapauwi sa mga Pilipinong handang bumalik sa bansa.
Samantala, nasa 500 Pilipino na ang nakauwi na sa Pilipinas.
Mula Setyembre 17 at 18, nakaranas ang Lebanon ng “walang humpay na pagsabog ng mga beeper,” na nagresulta sa pagkamatay at pagkasugat ng libu-libong tao, ayon sa embahada ng Pilipinas doon.
Ang mga pagsabog ay higit na naganap sa southern suburbs ng Beirut, South Lebanon, at ang Bekaa Valley, idinagdag nito.
Nangyari iyon matapos gumanti ang Israel sa mga mandirigma ng Hezbollah na nakabase sa Lebanon, na mga simpatisador ng mga mamamayang Palestinian na nahaharap sa pag-alis mula sa Tel Aviv.
Habang halos lahat ng mga Pilipinong nasa Lebanon ay “tutol sa anumang mandatoryong pagpapauwi ng gobyerno ng Pilipinas,” hinimok sila ni Ferrer na muling isaalang-alang ang kanilang desisyon habang nananatiling available ang mga komersyal na flight.
Hindi kailangang mag-alala tungkol sa mga gastos sa immigration at exit process dahil sasagutin sila ng gobyerno ng Pilipinas para sa mga dokumentado at hindi dokumentadong manggagawa doon, sabi ni Ferrer. RNT