Home NATIONWIDE Higit 200 mangingisdang apektado ng Mindoro oil spill, inayudahan ng P12K ng...

Higit 200 mangingisdang apektado ng Mindoro oil spill, inayudahan ng P12K ng DSWD

MANILA, Philippines – Namahagi ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng P12,236 na cash assistance sa 246 mangingisda na apektado ng oil spill sa Roxas, Oriental Mindoro.

Ang mga nakatanggap ay bahagi ng kabuuang 24,698 na mangingisda sa bansa na naapektuhan ng oil spill na nagsimula noong Pebrero 28.

Sa pamamagitan ng Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, and Palawan) Field Office, sinimulan ng DSWD ang pamamahagi ng tulong nitong Huwebes, Hunyo 1 sa ilalim ng
Emergency Cash Transfer (ECT) Program nito.

Mas marami pa umanong mga mangingisda ng motorized at non-motorized boats na apektado ng oil spill ang mabibigyan din ng ayuda simula ngayong araw, Hunyo 2.

Sa ilalim ng ECT program, ang mga mangingisda na may-ari ng motorized boats ay makatatanggap ng P12,236 financial assistance, habang ang mga mangingisda ng non-motorized boats ay makakatanggap ng P6,118.

Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council noong Abril, nasa kabuuang 193,436 indibidwal ang apektado ng oil spill sa bansa, malaking bahagi rito ay mula sa Mimaropa. RNT/JGC

Previous articleEO na magpapadali ng mga transaksyon sa gobyerno, tinintahan ni PBBM
Next articleP9.7M ayuda naibigay na sa mga apektado ng bagyong Betty – NDRRMC