MANILA, Philippines – Nakapamahagi na ang pamahalaan ng mahigit P9 milyon halaga ng tulong at iba pang relief goods sa anim na rehiyon na naapektuhan ng masamang panahon dulot ng bagyong Betty.
Sa latest disaster bulletin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Biyernes, Hunyo 2, nasa kabuuang P9,747,456 na halaga ng tulong ang naipadala sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Mimaropa, Western Visayas at Cordillera Administrative Region (CAR) upang tumulong sa mga pamilyang matinding naapektuhan ng bagyo.
Sakop ng nasabing halaga ang food at non-food items, katulad ng butane canisters, hygiene kits, laminated sacks, modular tents, portable stoves, sleeping kits at gasolina.
Ayon pa sa ahensya, 21,586 pamilya o katumbas ng 77,801 katao na naninirahan sa 294 barangay sa mga nasabing rehiyon ang apektado ng bagyong Betty.
Sa nasabing bilang, 678 na pamilya o 2,187 indibidwal ang tinutulungan pa rin at nanunuluyan sa 42 evacuation centers.
Samantala, biniberipika pa rin ng NDRRMC ang ulat na may isang nasawi sa Cordillera dahil sa bagyo.
Aabot naman sa 86 na tirahan ang napinsala ng bagyo sa Ilocos Region, Central Luzon, Western Visayas at CAR, 78 ang partially damaged at walo ang totally damaged. RNT/JGC