MANILA, Philippines- Nakumpiska ng mga awtoridad ang mahigit 300 tonelada ng ismagel na gulay sa raid sa isang illegal warehouse sa Navotas City, base sa Department of Agriculture (DA) nitong Biyernes ng gabi.
Sinalakay ng composite team ng DA Inspectorate and Enforcement Office, Bureau of Customs (BOC), at iba pang law enforcement units ang dalawang cold storage facilites nitong Huwebes ng gabi, kung saan nadiskubre ang puslit na sibuyas, carrots, at iba pang gulay.
Naglalaman ang isa sa storage facilities ng 132.75 tonelada ng white onions, nagkakahalaga ng P21.2 milyon. Samantala, natuklasan naman sa isa pang pasilidad ang 89.89 toneladang imported carrots, nasa P13.48 milyon.
Sinabi ng DA na ipinag-utos ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel sa Bureau of Plant Industry na suspendihin ang pag-isyu ng import permits sa mga nasabing gulay “[i]n response to the abundant harvest of onions and carrots.”
Nakuha rin sa raid ang 360 kilo ng kamatis; 10 kilo ng enoki mushrooms; at 92.25 toneladang imported white onions na karga ng isang 40-foot container van.
“We cannot allow illegal trade practices such as this to continue hurting the livelihood of our farmers. The order of President Ferdinand Marcos Jr. is clear: Go after these smugglers without let up,” pahayag ni Tiu Laurel.
Nanawagan ang Agriculture chief sa publiko na iulat sa DA ang anumang impormasyon sa smuggling ng agricultural products sa bansa. RNT/SA