MANILA, Philippines – Umabot na sa 3,319 lindol ang naitala sa karagatan sa labas ng Kalamansig, Sultan Kudarat mula nang magsimula ang earthquake swarm noong Enero 19, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Martes.
Sa bilang na ito, 114 na lindol ang naramdaman, na may lakas na magnitude 1.3 hanggang 5.9.
Kinumpirma ng Phivolcs na bumababa na ang bilang ng lindol kada araw sa Cotabato Trench, na matatagpuan nang hindi bababa sa 50 kilometro mula sa baybayin ng Sultan Kudarat.
Gayunman, nagbabala ang ahensya na hindi pa masasabing tuluyang humupa ang lindol dahil posible pa ring magkaroon ng malakas na pagyanig kahit may pababang trend.
Ayon sa Phivolcs, noong Enero 28 ay bumababa rin ang dalas ng lindol bago muling tumama ang isang magnitude 5.9 na lindol sa Kalamansig.
Dahil sa sitwasyon, inalis na ni Sultan Kudarat Gov. Datu Pax Ali Mangudadatu ang suspensiyon ng trabaho at klase sa lalawigan.
Gayunman, ang mga klase sa mga baybaying bayan ng Kalamansig, Lebak, at Palimbang (KaLePa) ay isinagawa pa rin sa modular mode dahil sa lapit ng mga ito sa epicenter.
“Despite thousands of recorded earthquakes, Sultan Kudarat has reported no casualties and no major infrastructure damage,” pahayag ni Mangudadatu.
Dagdag pa niya, patuloy umanong nangunguna ang pamahalaang panlalawigan sa paghahanda, preemptive evacuation, at maayos na pagtugon upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente. RNT/MND