MANILA, Philippines- Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) na nasa mahigit 400 foreign nationals ang kanilang hinarang at pinabalik sa bansang kanilang pinanggalingan nito lamang nakaraang buwan.
Ayon sa immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) ng BI, mula Marso hanggang Abril ay umabot sa 401 mga dayuhan ang kanilang hinarang para sa iba’t ibang paglabag sa imigrasyon.
Kabilang sa mga dayuhang pinalayas agad ng bansa ay ang 254 Vietnamese, 76 Chinese, at 19 Indonesian. Nasa listahan din ang 17 Burmese, 8 Moroccans, at 4 Ghanians
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na ang pagtaas ng exclusions ay resulta ng intelligence information na marami sa mga nasabing alien ay nagtatrabaho para sa mga illegal online gaming hubs sa bansa.
“We look at patterns of previous arrests, as well as travel histories of other intercepted aliens,” ani Tansingco. “We use this pattern to intercept other potential violators, as well as those holding spurious documents,” dagdag pa nito.
Nilinaw ni Tansingco na hindi nila pinupuntirya ang mga partikular na nasyonalidad, ngunit umaasa sa mga uso at pagsusuri ng datos.
“These illegal hubs are usually operated by syndicates that recruit foreign nationals, enticing them to work without proper documentation,” ani Tansingco. “We’ve seen that in many of our arrests both on the ground and at the airports,” ayon pa sa opisyal. JAY Reyes