Home OPINION NAGWAGI SA LGUs TOURISM CHAMPIONS CHALLENGE KINILALA NG DOT

NAGWAGI SA LGUs TOURISM CHAMPIONS CHALLENGE KINILALA NG DOT

PORMAL nang ipinagkaloob at kinilala ng DOT o Department of Tourism ang labinglimang (15) LGUs o local government units na nagwagi sa TCC initiative o Tourism Champions Challenge na may premyong kabuuang Php180 million.

Si President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. ang siyang pangunahing pandangal sa pagtitipon at sinamahan siya ni Executive Secretary at dating Chief Justice Lucas Bersamin.
Nagulat ang lahat ng mga LGU nang sabihin niyang may karagdagang Php75 million pang pondo kaya aabot sa Php255 milyon ang paghahati-hatian ng mga na­nalo.

Ayon kay DOT Secretary Christina Garcia Frasco, umabot sa 90 LGUs ang nagsumite ng kabuuang 98 proposals.

Dumaan sa mabusising ebalwasyon ang mga proposal buhat sa DOT at ng PricewaterhouseCoopers Philippines na siyang “knowledge partner” ng kagawa­ran.

Ang mga nanalong lahok mula sa Luzon ay ang mga sumusunod:
1. Ambaguio, Nueva Vizcaya, first place;
2. Sablayan, Occidental Mindoro, second place;
3. Bolinao, Pangasinan, third place;
4. San Jose, Romblon, fourth place;
5. Socorro, Oriental Mindoro, fifth place.

Sa Visayas ay narito ang pagkaka­sunod-sunod ng mga nagsipagwagi – Tubigon, Bohol; Badian, Cebu; Silago, Southern Leyte; Victorias City, Negros Occidental, at Panay, Capiz.
Sa Mindanao naman ay ang Isabela City, Basilan; Davao City, Davao del Sur; Island Garden City of Samal, Davao del Norte; Tagum City, Davao del Norte; at San Agustin, Surigao del Sur.

Nasa Php20 million na halaga ng tourism projects ang matatanggap ng nasa unang puwesto, Php15 million sa ikalawa, Php10 million sa ikatlo, Php8 million sa ika-apat, at Php7 million sa ika-limang puwesto, o kabuuang P180 million. Bukod pa sa Php75 million  na idinagdag ni Pangulong BBM.

Ang mga project proposal ay kai­langang subaybayan ng TIEZA o Tou­rism Infrastructure and Enterprise Zone Authority.

Ang TCC ay isang programa na nagnanais na mabigyan ng insentibo ang mga LGU na mayroong magagandang plano ukol sa turismo sa kanilang hurisdiksyon na malaki ang naitutulong sa lokal at pambansang ekonomiya.

Bahagi ang programa ng NTDP o National Tourism Development Plan na binuo ng iba’t ibang stakeholders at inaprubahan ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. na naglalaman ng “whole-of-nation approach” para sa hi­git na pagpapaunlad ng tourism industry ng bansa.