Home OPINION DAMING SIGA

DAMING SIGA

WALANG paki! ‘Yan ang ugali ng marami sa atin.

Nitong nakaraang linggo, marami ang nabalitaan nating kahit na bawal ay ginagamit pa rin ang EDSA Bus Way, ganoong sa kadulu-duluhan ay pinapara at hinuhuli ng mga traffic enforcer dahil sa kanilang paglabag.

Bus way nga! Dapat mga bus lang ang daraan. Bakit ipipilit ang kanila? Sasabihing nagmamadali, ikakatwirang sila ay matataas na tao.

Utot n’yo! May tataas pa ba sa batas? Sa mga panuntunang dapat ay sinusunod ng lahat?

Noong  Huwebes ng gabi, isang babae pa naman naturingan, at inaasahang sopistikada ang pagkilos, ang sumigaw at nagyabang pa sa mga nagbabantay ng lansangan.

“Pamangkin ako ni major general… so wag mo akong a-anohin. I’m military. I’m Filipino-American. I’m taking care of Balikatan, tama na ‘yan” ang sabi ng hitad.

Hindi ba ang sakit sa bangs? Entitled ang hitad.

Sa mga susunod na mga araw, makikilala rin natin ang hitad na ‘yan, dahil siguradong ‘di palalampasin ng Metro Manila Development Authority at Land Transportation Office ang masamang ugali ng ganyang mga motorista. Papangalanan at isu-sub-poena para maipaliwanag ang kanyang side. Ganyan tayo eh, binibigyan pa nang pagkakataon ang nagkamali.

Anyway, si dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson nga ay sumabit din. Pero kung baga, stepping on the line lang si Governor. Sa parteng walang barrier lang siya at ang kanyang driver dumaan matapos mag-overtake sa isang mabagal na sasakyan at ‘di mahuli sa kanilang appointment. ‘Yun nga lang nakita at pinara ng mga enforcer.

Ang marahan na paliwanag na iyon ni Gob, at may kasama pang paumanhin, ay nakagagaan na ng kalooban sa mga enforcer na nagtitiyaga sa maliit na sweldo para lamang mai-ayos ang ating mga daraanan at ang daloy ng trapiko.Pinaticketan niya rin ang dalawang driver na kasama niya sa convoy na hinuli.

Kaya naman, nangako pa si Chavit na magbibigay ng P100k para sa grupo ng mga enforcer na humuli sa kanya dahil daw sa pagganap na tunay sa kanilang mga tungkulin.

Halos ganoon din ang ginawa ni Senador Chiz Escudero na nahuli din ang sasakyang me Numero 7 nang dumaan at gumamit ito ng EDSA Bus Way. Iba raw ang may dala o gamit ng kanyang itim na Toyota Land Cruiser ng araw na iyon, At handa siyang isoli ang protocol plate sa kahihiyang inabot.

Pero ang iba sa atin, gaya nang sinabi ko ay walang mga paki at pagkayabang-yabang pa, kahit mababang pwesto lang ang posisyon o antas sa buhay.

Parang langaw ba, ang isip ay mas mataas pa siya sa kalabaw kapag nakapatong siya rito. Daming siga talaga rito. Na N’yo!