Home OPINION AWAYAN SA GITNANG SILANGAN

AWAYAN SA GITNANG SILANGAN

PINALAMPAS lang yata ang Ramadan at nagpaulan ng halos 300 missiles at drones ang Iran laban sa Israel nitong nakaraang mga araw.   Ito ang unang pagkakataon mula noong 1991 na merong isang bansang direktang inatake ang Israel.

Hindi naman masyadong apektado ang Israel, dahil 99% ng missiles at drones ang napabagsak ng kanyang “Iron Dome” o depensa laban sa atake mula sa ere.   Malaking bagay din na nakaposisyon at handa ang mga kagamitan at eroplano ng Amerika para tumulong.  Suma-total, parang lima lang ang nakalusot na missiles na target ang isang air base.

Ayon sa mga eksperto, gumanti ang Iran dahil inatake ng Israel ang embahada ng Iran sa Syria noong unang linggo ng Abril.  Ilang dekada na rin na namumuo ang hidwaan sa Israel at Iran, bagaman wala masyadong direktang komprontasyon sa dalawang military superpower sa Middle East.

May pakialam ba tayong mga Pilipino rito?  Ano ba kinalaman natin sa awayan na ito sa Gitnang Silangan? Apektado ba tayo ng gulong ito?

Meron tayong pakialam dahil libo-libong mga kababayan natin ang nagtatrabaho bilang mga OFW sa rehiyong iyan.   Tumataas ang banta sa kanilang kaligatasan at ang kanilang mga trabaho kapag lumaki ang pagsiklab ng gyera.   At maaari ngang lumaki ang gyera ‘pag tuloy-tuloy ang gantihan ng Israel at Iran.  Kapag na-displace na naman ang libo-libong OFWs, milyong mga Pilipino na mga pamilyang umaasa sa kanila ang apektado rin.

Sa isang banda rin, patuloy naman ang pagtaas ng presyo ng krudo dahil sa lumalalang tensyon sa Middle East.   Kung napansin n’yo nga, ang kadalasang dahilan nang pagtaas daw ng presyo ng langis ay dahil sa gulo sa rehiyon na iyon.  Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, kasunod naman nito ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kasama na ang kuryente at pagkain, at bawas sa kita ng libu-libong jeepney at taxi drivers.

Panalangin natin na pumayapa na sana sa Gitnang Silangan, para mabawasan din ang lumalalang sitwasyon ng kahirapan sa ibang panig ng mundo, lalo na nga rito sa bansa natin.