Home OPINION MGA ATTORNEY AT JUDGE SA MGA KASONG DROGA

MGA ATTORNEY AT JUDGE SA MGA KASONG DROGA

NAKAPANININDIG-BALAHIBO ang nagaganap sa hanay ng mga abogado, piskal at huwes sa mga kasong droga.

May mga takot na takot na humawak sa mga kasong droga sa iba’t ibang dahilan ngunit pangunahin dito ang takot na mamatay o mawala sa hanay ng law at judicial profession.

Pero meron ding hindi takot at may kanya-kanya silang pinaninindigan o interes at nasa kanila na iyon.

MGA PINAGPAPATAY

Heto ang ilang kaso na hindi natin bibigyan ng anomang panghuhusga ngunit ang kanilang mga kamatayan ay lumikha ng katakot-takot na takot sa paghawak sa mga kasong droga ng mga huwes, piskal at abogado.

Noong Pebrero 19, 2018, pinagbabaril hanggang mamatay si Ronda, Cebu Vice Mayor Atty. Jonah John Ungab sa S. Osmeña St, Cebu City.

Nakilala si Ungab bilang abogado noon ni druglord Kerwin Espinosa, anak ni dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa na nakulong sa bintang sa droga at napatay sa Baybay City Provincial Jail.

Pinagbabaril hanggang sa mamatay rin si retired Prosecutor Geronimo Marabe Jr. noong Mayo 22, 2018 sa Ozamis City.

May mga hawak na kasong droga noon si Prosec. Marabe na nauugnay Parohinog family sa Ozamis City.

Si Judge Edmundo Pintac naman, mga Bro, pinagbabaril din ng riding-in-tandem, gaya ng nangyari kay Prosec Marabe, noong Oktubre 8, 2018 sa Ozamis City.

Nasa sala niya noon bilang executive judge ng Regional Trial Court Branch 15 ang ilang kasong droga at iligal na baril laban kay Nova Princess at Reynaldo Parojinog Jr.

KATAKOT-TAKOT NA TAKOT

Ang nangyari sa tatlong ito at iba pa na pinagpapatay dahil sa droga ang nagdulot sa mga abogado, piskal at huwes ng pagtindig ng balahibo na ‘di masukat-sukat.

Ang isang nakatatakot na bunga nito?

Napakaraming abogado, piskal at huwes ang todo-iwas sa paghawak sa kaso, lalo na noong panahon ni ex-President Digong Duterte.

Lalo na sa mga lalawigan at kabilang sa mga rason nila ang pagiging kamag-anak o kaibigan ng mga suspek sa droga.

Ito ang isang dahilan kung bakit napakabagal ang pag-usad ng mga kaso at kung uusad man, acquitted o napawawalang-sala ang mga akusado.

May mga naninindigan naman subalit nagdadala ng armas ang mga ito o kaya’y nagdadala ng mga badigard na kanilang mga kamag-anak na sundalo o pulis.

May mga kakilala tayong huwes na nagsusukbit ng mga baril sa baywang habang dumirinig sa mga kaso at walang paa-paalam sa mga Hukom sa Korte Suprema.

Ito’y para madepensahan nila ang kanilang mga sarili sa mga patayan sa droga.

IBANG NAKATATAKOT

Sa nakaraang mga araw naman, sinabi ni Police Major Wennie Ann Cale, officer-in-charge ng Quezon City Police District Drug Enforcement Unit, na may nahuli silang abogado na nagbebenta ng shabu at nasa P1.3 milyon ang halaga.

Ang trabaho umano ng abogado, nagtatanggol siya ng mga may kasong droga at isang kliyente nitong nakulong sa droga at asawa nito ang gamit ni atorni sa pagbebenta rito.

Matagal na umanong sangkot si atorni at ngayon lang siya natsambahan sa isang buy-bust operation.

Kung ano ang magiging hatol ng korte kay atorni, abangan na lang natin kung guilty siya at makulong o inosente o lalaya siya sa kakulangan o minadyik na ebidensya.