Umabot sa 4,529 na indibidwal ang nakatanggap ng tulong medikal mula sa Philippine Red Cross (PRC) sa buong bansa bilang bahagi ng kanilang Holy Week Operations hanggang Sabado de Gloria, Abril 19.
Ayon sa ulat ng PRC, karamihan sa mga tinulungan ay sumailalim sa vital signs monitoring upang matiyak ang kanilang kalusugan habang ginugunita ang Semana Santa.
Mula sa kabuuang bilang, 353 pasyente ang naitala na may minor cases gaya ng galos, pananakit ng tiyan, paltos, pananakit ng katawan, panghihina, paso, pananakit ng dibdib, cramps, pasa, hirap sa paghinga, pagkahilo, sakit ng ulo, altapresyon, pangangati, tusok ng dikya, pagkahiwa, pagkawala ng malay, pamamanhid, pagduduwal, pamamaga, at pagsusuka.
Samantala, sampung (10) indibidwal ang naitala na may major cases kabilang ang asthma attack, multiple abrasions, multiple lacerations, pamamanhid na may kasamang pagkahilo, at hinihinalang dislocation.
Bukod pa rito, 12 pasyente ang kinakailangang isugod sa ospital dahil sa mga seryosong sintomas gaya ng matinding pananakit sa noo at pulso, panghihina ng katawan, hirap sa paghinga, pagtaas ng presyon ng dugo, hyperventilation, pagkahiwa sa noo, at pagkawala ng malay.
Upang masiguro ang agarang tugon, pinakilos ng PRC ang 1,840 boluntaryo at 313 kawani sa kabuuang 375 first aid stations na nakapuwesto sa mga bus terminal, daungan, paliparan, bundok, dalampasigan, simbahan, gasolinahan, parke, paaralan, highways, at mga arena.
Nag-deploy din ang PRC ng 178 ambulansya, 21 service boats, at 3 rescue boats upang mapalawak ang kanilang abot sa mga lugar na may mataas na bilang ng mga deboto at biyahero. Jocelyn Tabangcura-Domenden