MANILA, Philippines – Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), higit 500 overseas Filipino workers (OFWs) sa Myanmar, Cambodia, at Thailand ang kasalukuyang tumatanggap ng tulong ng gobyerno dahil sa natural na kalamidad, tensyon sa hangganan, at mga biktima ng human trafficking.
Sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na ipinatutupad ng gobyerno ang agarang tugon sa iba’t ibang krisis na kinasasangkutan ang mga Pilipino sa ibang bansa, alinsunod sa direktiba ng Pangulo. Sa Thailand, sabay-sabay na naapektuhan ang mga OFWs ng scam hub, Thai-Cambodia border conflict, at malalakas na pag-ulan noong Nobyembre na nagdulot ng matinding pagbaha.
Sa Myanmar, 71 OFWs ang na-repatriate mula sa scam operations noong December 12, habang 100 pa ang stranded sa Miyawadi border at hinihintay ang koordinadong paglipat sa Thailand bago makauwi. Sa Cambodia, 56 OFWs mula sa scam hubs ang nasa ligtas na lugar at sumasailalim sa repatriation process, at 22 sa kanila ay inaasahang makakauwi sa linggong ito.
Sa Thai-Cambodia border, 259 mga guro at non-teaching personnel ang nailikas at nasa evacuation centers o ligtas sa tulong ng kapwa Pilipino, habang patuloy silang binibigyan ng pinansiyal na tulong. Bukod dito, 154 OFWs sa southern Thailand ang apektado ng pagbaha noong Nobyembre at tinutulungan din ng DMW.
Ayon kay Geraldine Mendez ng Migrant Workers Protection Bureau (MWPB), patuloy na problema ang human trafficking. Mula Enero hanggang Nobyembre, 1,073 Pilipino sa Myanmar ang naging biktima, at sa kabuuan ng Myanmar, Cambodia, at Lao PDR, umabot sa 2,021 biktima, kadalasan mula sa scam hubs at pinilit na kriminal na gawain. Binabantayan din ng DMW MWPB ang Malaysia para sa sexual trafficking at South Korea para sa labor trafficking ng seasonal farm workers. RNT/MND