MANILA, Philippines – Inaasahan ng Toll Regulatory Body (TRB) na tataas ng 5 hanggang 10 porsyento ang dami ng sasakyan sa mga expressway ngayong weekend dahil sa holiday exodus mula Metro Manila.
Ayon kay TRB spokesperson Julius Corpuz, magsisimulang dumami ang trapiko mula hapon hanggang gabi ng Biyernes, kasabay ng bakasyon sa mga paaralan at opisina para sa Pasko at Bagong Taon.
Upang maibsan ang trapiko, ipagpapahinto muna ang mga roadwork na makakaapekto sa daloy ng sasakyan, ngunit maaari pa ring ipagpatuloy ang mga proyekto tulad ng road expansion.
Nakahanda na rin ang toll operators ng buong deployment ng mga security at patrol vehicles, traffic management personnel, at incident response teams para tugunan ang trapiko at anumang emergency.
Mayroon ding mga technician na naka-standby para ayusin ang mga problema sa RFID lanes, at dagdag na staff para panatilihing mabilis ang pila sa lahat ng lanes.
Ayon kay Corpuz, awtomatikong itataas ang toll barriers kapag lumampas sa 100 metro ang pila sa isang lane.
Kasabay nito, nag-anunsyo ang Malacañang ng dagdag na holiday leave para sa mga empleyado ng gobyerno sa December 29 at January 2 upang magkaroon sila ng mas mahabang panahon para maglakbay. RNT/MND