MANILA, Philippines – Mahigit 5,000 indibidwal na ang nailikas ng Philippine Coast Guard (PCG) mula sa patuloy na pag-ulan at pagbaha bunsod ng sunod-sunod na bagyo sa bansa.
Ayon kay PCG spokesperson Captain Noemie Cayabyab, ang kabuuang bilang na 5,076 ay naitala hanggang noong Miyerkules ng gabi, kabilang ang mga mula sa Barangay Gutad at Buhuan sa Calapan City, Oriental Mindoro; Sablayan at Mamburao, Occidental Mindoro; Calasiao, Pangasinan; at bayan ng Malabon at Valenzuela.
Kasama rin dito ang mga nasagip at pre-emptive evacuation mula Obando, Calumpit at Hagonoy, Bulacan; Apalit, Macabebe at San Simon, Pampanga; Sta. Cruz, Sta. Rosa at Cabuyao, Laguna; Noveleta at Bacoor, Cavite; Orion, Orani, Limay, Mariveles, Bagac, at Morong, Bataan.
Nanawagan ang opisyal sa publiko na sundin at makinig sa kanilang mga lokal na pamahalaan para sa anumang impormasyon para sa pre-emptive evacuation upang maiguro ang kanilang kaligtasan.
Samantala, ang Libreng Sakay program ng Department of Transportation, ang PCG at Philippine Ports Authority ay nagpatuloy sa ilang ruta kabilang ang Quiapo-Fairview, Quiapo-Angono, Legarda-Angono, Lawton-Alabang at Roxas Boulevard-Sucat nitong Huwebes. Jocelyn Tabangcura-Domenden