MANILA, Philippines – Nilusob ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Philippine Vape Festival nitong Linggo, Agosto 18 kung saan libo-libong illegal na vape products ang nasamsam.
Sa kalatas, sinabi ng BIR na nasamsam ang 5,385 illicit vape products sa naturang raid, na ikinasa batay sa surveillance ng Illicit Trade Task Force (ITTF) ng ahensya sa opening day ng kaganapan.
Ayon sa BIR, nadiskubre ng ITTF ang mga vape product na naka-display at ibinibenta pa nang walang internal revenue stamps.
Matapos makumpirmang mga illegal ang vape products, isinagawa ang paglusob sa pakikipagtulungan sa Las Piñas police.
Sinabi ng BIR na ang vape festival ay isang
“compliance summit” upang pag-usapan ang compliance sa “current regulation and policy changes.”
Sa kabila nito, napag-alaman na napakaraming mga vape product ang naka-display, at ibinibenta sa naturang event nang walang internal revenue stamps o patunay ng tax compliance nito.
Natuklasan sa tatlong stall at tatlong delivery van ang illicit vape products.
Nilabag umano ng mga ito ang National Internal Revenue Code:
Section 144 – Tobacco Products, Heated Tobacco Products, and Vapor Products,
Section 106 – Value-Added Tax on Sale of Goods or Properties,
Section 146 – Inspection Fee,
Section 248B – Civil Penalties,
Section 249B – Interest, and
Section 263 – Unlawful Possession or Removal of Articles Subject to Excise Tax Without Payment.
“This is also a warning to all the celebrities, influencers, and endorsers of illicit vape products. Do not associate yourselves with these individuals or companies, including those involved in organizing and setting up the Philippine Vape Festival 2024. By doing so, you are complicit in helping these illicit vape traders sell illegal products,” ani Lumagui.
Wala pang tugon ang mga organizer ng Philippine Vape Festival. RNT/JGC