Home NATIONWIDE Higit 70 lalawigan masasapul ng El Niño sa sunod na 3 buwan

Higit 70 lalawigan masasapul ng El Niño sa sunod na 3 buwan

MANILA, Philippines- Mahigit 70 lalawigan ang maaapektuhan ng El Niño sa susunod na tatlong buwan.

Ito’y sa kabila ng napaulat na paghina ng weather pattern, ayon sa Task Force El Niño.

“Meron at meron pa ring mga probinsiya na maaapektuhan,” sinabi ni Task Force El Niño spokesperson Assistant Secretary Joey Villarama sa isang panayam ng Bagong Pilipinas Ngayon.

“In fact, doon sa projection ng PAGASA ay tataas pa mga to mid-70s, mga 76 pa po ang puwedeng maapektuhan na probinsiya in varying degrees in the next three months,” dagdag na wika nito.

Sa ngayon, 67 lalawigan ang nakararanas na ng epekto ng El Niño habang 30 naman ang nahaharap sa matinding tag-init.

Para sa PAGASA, ang tagtuyot ay mayroong tatlong magkakasunod na buwan na “below normal rainfall conditions” na may mahigit sa 60% reduction mula sa average rainfall. 

Maaari rin itong maging limang magkakasunod an buwan na “below normal rainfall conditions” na may 21% hanggang 60% reduction mula sa average rainfall.

Idineklara naman ang state of calamity sa anim na lugar gaya ng Bulalacao at Mansalay sa Oriental Mindoro; Looc, Magsaysay, at San Jose sa Occidental Mindoro; at Zamboanga City sa Zamboanga del Sur.

Sinabi ni Villarama na sa bayan ng Pio Duran sa Albay ay maaaring magdeklara ng state of calamity dahil sa epekto ng El Niño. 

Tumaas naman ang kaso ng diarrhea sa Paluan, Occidental Mindoro dahil sa limitadong suplay ng potable water.

Sa kabilang dako, sinabi naman ng Department of Agriculture, may kabuuang P1.75 bilyong pinsala sa agrikultura ang naiulat dahil sa El Niño.

May halos 24,409 magsasaka at mangingisda maging 26,731 ektarya ng mga pananim ang apektado base sa pinakabagong report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Samantala, idineklara naman ng PAGASA na nagsimula ng Hulyo 4 ang El Niño phenomenon noong nakaraang taon.

Inilalarawan ang El Niño phenomenon bilang abnormal warming ng sea surface temperatures sa central at eastern equatorial Pacific Ocean, dahilan ng “below normal rainfall.” Kris Jose

Previous articleSenate bill na mag-aamyenda sa gov’t procurement law sinertipikang urgent
Next articlePH umiiwas sa armed conflict vs Tsina; kapayapaan hangad sa S. China Sea