MANILA, Philippines – Pinapaalalahanan ng Department of Health ang publiko na magpakonsulta agad sa doktor kapag nakaranas ng sintomas ng leptospirosis matapos iulat ng ahensiya ang higit sa 700 kaso ng sakit sa Central Visayas mula Nobyembre hanggang Disyembre 2025.
Ayon kay DOH Media and Promotion Bureau Director Tina Marasigan, nakapagtala ng 744 kaso ng leptospirosis sa Central Visayas simula Nobyembre 1, 202 batay sa datos ng DOH noong Disyembre 10.
Ito ay matapos lubhang naapektuhan ng Bagyong Tino ang lugar noong Nobyembre.
Binanggit ni Marasigan na karamihan sa mga naitalang kaso ay nakaranas ng sintomas tulad ng lagnat, panginginig, headache, at pamumula ng mata matapos malantad sa baha.
Sa kabuuang naitalang kaso, sinabi ng DOH na 715 na pasyente ang nakarecover na.
Sinabi rin na may sapat na suplay ng doxycycline, isang antibiotic na gamot para sa post-exposure, ang mga ospital.
Ayon sa medical expert, maaaring mahawa ang tao ng sakit na dulot ng Leptospira bacteria kapag nakadikit sa tubig, pagkain, o lupa na may kontaminadong ihi ng hayop.
Kabilang sa mga unang sintomas ng sakit ang lagnat, panginginig, pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, pagsusuka, at pagtatae.
Nauna nang iniulat ng DOH na maaaring makaranas ng jaundice (pagdilaw ng balat at mata), madilim na ihi, mababang output ng ihi, at malawang headache ang mga nahawaan. Jocelyn Tabangcura-Domenden