MANILA, Philippines – Upang matulungan ang mga nasalanta ng Bagyong Odette sa Cebu, nagsagawa ang National Housing Authority (NHA) ng isang Emergency Housing Assistance Program (EHAP) distribution sa Carcar upang ipamahagi ang cash aid na aabot sa P57,865,000.
Sa patnubay ni NHA General Manager Joeben A. Tai, pinangunahan ni Assistant General Manager Alvin S. Feliciano ang culminating activity nitong Disyembre 12, 2026, kasama si NHA Region VII Regional Manager Engr. Hermes Jude D. Juntilo.
“Sa direktiba ng ating mahal na Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang NHA po ay may nakalaang pondo para sa EHAP upang magkaloob po ng tulong-pinansyal sa mga naging biktima ng mga kalamidad. Ito po ay para makatulong ang aming ahensya sa kanilang pagbangon at pagsisimulang-muli,” ani GM Tai.
Ayon sa datos ng ahensya, ang kabuuang bilang na 5,787 pamilyang benepisyaryo ay nakatanggap ng tig-P10,000 na cash assistance upang maging tulong pinansyal para sa pagkukumpuni ng bahay na lubusang nasira gawa ng kalamidad.
Mula sa kabuuang bilang, 2,037 pamilya ang natulungan ng ahensya noong Disyembre 10, 2025; 2,038 pamilya para noong Disyembre 11, 2025; at 1,712 pamilya noong Disyembre 12, 2025. Ang mga benepisyaryo na ito ay mula sa 15 na barangay na nasasakupan ng lungsod ng Carcar.
Ang bilang ng mga benepisyaryo ay batay sa nasuri at na-verify na DSWD-Disaster Response Operations Management, Information and Communication (DROMIC) Report mula sa local government unit.
Dumalo at nakiisa rin sa okasyon sina Cebu Governor Pamela S. Baricuatro, Carcar City Mayor Mario Patricio P. Barcenas, Vice Mayor Hervy Alejandro “Perkins” B. De Dios, at iba pang opisyal mula sa NHA at LGU.
Ang Bagyong Odette ay tumama at lubusang nakaapekto sa Carcar noong Disyembre 2021 na nagdulot ng pagkasira ng mga kabahayan, imprastraktura, agrikultura, kabuhayan, at maging ng mga buhay.
Ang EHAP ay isa sa mga programa ng NHA na sumusuporta sa mga pamilyang nasira o nawasak ang mga tahanan dahil sa mga natural at man-made na sakuna. Layunin din ng programa na mabigyan ang mga apektadong pamilya ng pinansiyal na tulong upang maayos at muling maitayo ang kanilang mga nasirang tirahan.
Ayon sa NHA Cebu, ang iba pang mga bayan sa katimugan ay naka-iskedyul sa mga susunod na payout sa mga susunod na araw. RNT