Home METRO Higit P.7M shabu, nakumpiska sa 3 lumabag sa ordinansa

Higit P.7M shabu, nakumpiska sa 3 lumabag sa ordinansa

MANILA, Philippines – MAHIGIT sa P.7 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska mula sa tatlong lalaki na tatakas sana sa paglabag sa ordinansa sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan City.

Base sa report na nakalap mula sa Sub-Station 1 ng Caloocan police, ala 1:40 ng madaling araw nang matiyempuhan ng mga nagpapatrulyang pulis si alyas “Richard”, 42, ng Peras St. Bagong Barrio na umiihi sa pampublikong lugar sa Dagat-dagatan Ave., at nang sitahin at iisyuhan ng tiket sa paglabag nito sa nasabing ordinansa, nagtangka itong tumakbo papatakas.

Subalit nang habulin at maabutan, nakapkapan ito ng 98 gramo ng hinihinalang shabu na aabot sa halagang P666,400.00

Nauna rito, nadakip ng mga tauhan ng Bagong Barrio Police Sub-Station 5 sina alyas “Alfredo” 38, at alyas “Joselito” 28, kapuwa tambay ng Brgy. Potrero, Malabon City dahil kapwa walang damit pang-itaas habang gumagala sa Mapayapa St. Brgy, 145 Bagong Barrio dakong alas-7:45 ng gabi ng araw ng Pasko.

Itinulak at tnangka pang tumakas ng dalawa ang mga pulis subalit, makalipas ang maikling habulan ay kaagad din silang nakorner at naaresto sa kabila ng pagpupumiglas.

Nang kapkapan, nakupiska sa dalawa ang kabuuang 8.7-gramo ng suspected shabu na may katumbas na halagang P59,160.00.

Pinuri naman ni NPD Acting Director P/Col. Josefino Ligan ang mga operatiba sa kanilang mabilis at epektibong pagtugon.

“The NPD’s campaign against illegal drugs remains steadfast, We will continue to be vigilant in protecting our communities from this menace,” aniya.

Mga kasong paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code (Disobedience to a Person in Authority) at Section 11 ng Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang kakaharapin ng tatlong mga naarestong suspek. Merly Duero